Sinundan din ito ng isang tagumpay ng batang SEA Games at Asian Games gold medalist na si Lee Van Corteza nang payukurin niya si Michael Schmidt, 5-3, bago pinaluhod si Kazuno Furuta ng Japan sa gayunding iskor para makasama kay Bustamante.
Makaraang masilat si Chin Shung Yang ng Chinese-Taipei, ang pambato nila na inaasahang tatapat kay Bustamante sa finals, nagparamdam ang ibang pool masters ng kanilang paghamon nang magpakitang-gilas sina dating champions Fong Pang Chao ng Chinese-Taipei, Mika Immonen ng Finland at Johnny Archer at Earl Strickland ng US.
Pruweba din ang nalasap na 2-5 kabiguan ng matalik na kaibigan ni Bustamante na si Efren Bata Reyes sa kamay ng di kilalang German player na si Thomas Hasch.
Gayunpaman, nagpadala agad ng mensahe si Reyes na hindi dapat burahin ang 1999 World Pool champion sa listahan nang bumangon ito at igupo si Markus Juva ng Finland, 5-1 at isunod sina Indian snooker star Alok Kumar, 5-1 at Shintaro Sugaya ng Japan, 5-1.
Nagpamalas din ang batang si Dennis Orcullo nang magtala ito ng back-to-back na tagumpay kontra kina Juva 5-1 at sa Hapones na si Sugaya 5-0.
Ang iba pang Pinoy cue wizards na nanatiling walang talo ay sina Warren Kiamco, veteran Rodolfo Luat at snooker ace Marlon Manalo.
Tinalo ni Kiamco si Danny Harriman ng US 5,4 at baguhang si Jimmy Henry ng New Zealand na pagkatapos ay nalaglag naman ang laban sa dating two-time champion na si Fang Pang Chao ng Chinese-Taipei para sa kanyang ikaapat na sunod na panalo at palakasin ang kampanya para sa $75,000 premyong nakalaan.
Tinalo naman ni Luat si Mike Davis ng US 5-3 at isinunod ang British snooker ace na si Steve Davis, 5-2. Ang tanging Pinoy na wala pang panalo ay si Ramil Gallego na lumasap ng 3-5 kabiguan kay defending champion Thorsten Hohmann na sinundan pa ng 3-5 na kabiguan kay Erik Weiselius ng Sweden.
Hindi rin sinuwerte ang beteranong si Jose Amang Parica, na lumalaro ng kanyang unang World Pool Championship sa imbitasyon ng sponsor nang lumasap ito ng dalawang masakit na kabiguan kina to Kasper Kristoffersen ng Den-mark, 4-5 at Chien-Chen Huang ng Chinese-Taipei.