Ang pinagsanib na pwersa ng sophomore tandem nina Noy Javier at Vladimir Joe ang sinandigan ng University of Perpetual Help Dalta System upang silatin ang San Sebastian College-Recoletos, 71-65, at iposte ang kanilang unang tagumpay sa 80th NCAA season basketball tournament kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Sina Javier at Joe ay umiskor ng 28 at 15 puntos, ayon sa pagkaka-sunod, at sila ang kumana ng lahat sa 16 puntos ng Altas sa huling yugto, kabilang ang ilang mahahalagang basket na sumawata sa paghahabol ng Stags.
Matapos kontrolin ang kahabaan ng laro, kung saan tinapos nila ang bawat kanto na tangan ang kalamangan, ang Altas ay muntik nang magkolapso nang magpakawala ang Stags ng malaking pagtakbo, sa pamamagitan ni Red Vicente, papasok sa krusyal na sandali ng laban.
Ang anim na sunod na pagbubuslo ni Vicente ay naglapit sa Recto-based squad sa 64-67 may 2:01 ang nalalabi. Subalit ang magkatalikod na pagkana nina Joe at Javier ang siyang muling naglayo sa Altas at tuluyang naggawad sa kanila ng tagumpay.
Sa juniors, inilampaso ng San Sebastian Staglets ang UPHDS Altaletes, 98-64.
Sa ikalawang seniors game, sinorpresa ng Mapua Institute of Tech-nology ang defending champion na Colegio de San Juan de Letran ma-karaang igupo ng Cardinals ang Knights, 86-76.
Ito ang ikalawang sunod na tagumpay ng MIT na naglagay sa kanila para makisosyo sa San Beda College sa liderato. (Ulat ni Ian Brion)