Manila Youth Games: Contillo humakot ng 4 na ginto

Hinakot ng 11-anyos na si Sheryll Contillo ang apat na gintong medalya na nakataya sa girls Category 1 2B ng artistic gymnastics na pumukaw ng pansin sa ikaapat na araw ng kompetisyon sa Manila Youth Games sa Rizal Memorial Gymnastics Center kahapon.

Pinangunahan ni Contillo ang tatlong event na rope (17.73 points) hoop (17.68) at ball (17.13) para maisubi ang gintong medalya sa individual all-around (52.54) at ibigay sa kanyang koponang J. Zamora ang apat na golds.

"Dream ko pa rin na makilala katulad ni Lisa Macuja," sabi ng anak ng isang FX driver sa kan-yang pangarap na sundan ang yapak ng tanyag na ballet dancer. "Siguro po, marami pa akong dapat ma-improve para magaya ko siya."

Sa girl’s level 2A, nagpapansin naman ang St. Scholastican na si Guia Victoria nang kumopo ito ng tatlong ginto matapos pangunahan ang rope (13.08 points) at hoop (14.21) at naka-silver sa ball event na pinangunahan ng Jose Abad Santos High School bet na si Nanette De Guzman para kunin ang individual all-around gold sa kanyang 37.59 puntos.

Nakatatlong gold din si Patricia Paraso open category 15-and under nang pangunahan nito ang floor exercise at uneven bars para sa individual all-around.

Ayon sa nag-organisang si Ali Atienza, presidente ng Manila Sports Council, bibigyan ng incentive ang most bemedalled athlete.

Samantala, binigyan ng Scholarship Incentive Package ang nagkam-peong boys elementary baseball team ng Smokey Mountain. (Ulat ni CVOchoa)

Show comments