Sa kasaysayan ng NBA, magugunitang wala talagang sinasanto ang mga team owner tuwing naiisipan nilang magpalit ng tao. Magugunitang habang naghahari ang Chicago Bulls, ikinakalat pa rin ng general manager nilang si Jerry Krause na gusto nilang ipagpalit si Scottie Pippen para kay Toni Kukoc. At maging noong kapanahunan ni Julius Erving sa Philadelphia 76ers, lahat ng kakampi niyang superstar din, tulad nila World Free at George McGinnis, ay pinakawalan din. Pawang mga swapang na superstar ang mga ito, subalit hindi maipanalo ang Sixers, kaya sila pinakawalan.
Maging ang mga higante ng NBA, tulad nila Kareem Abdul-Jabbar at Wilt Chamberlain, ay hindi naging ligtas sa pagpapatalsik ng kanilang mga koponan. Matapos ihatid sa kampeonato ang Milwaukee Bucks kasama si Oscar Robertson, pinapunta si Jabbar sa Los Angeles Lakers, kung saan limang kampeonato ang kanyang nakamit. Si Chamberlain naman ay nagwasak ng kung anu-anong mga rekord sa Philadelphia (ngayoy Golden State) Warriors, subalit pinadala rin sa LA. Kung minsan, di talaga masabi kung ano ang gusto ng mga team owners.
Pero, gaya ng madalas sabihin, hindi basta-basta maka-kabuo ng koponan na papasok sa kampeonato. Sa kasay-sayan ng Boston Celtics, halimbawa, unti-unti nilang binuo ang grupo na nagwagi ng walong sunod na championship. At habang nananalo sila, tinuturuan ng mga beterano ang mga papalit sa kanila.
Marunong magtiis ang mga baguhan, dahil alam nilang darating ang panahon nila, di gaya ng panahon ngayon, kung saan nagmamadaling kumita at sumikat ang mga bagong player, at hindi tuloy naisasama sa malalakas na koponan.
Kung titignan natin ang lahat ng mga nagkampeon sa NBA, karamihan ay binuo sa mahabang panahon. Pitong taon ang dumaan bago nakuha ni Michael Jordan ang unang tropeo niya. Ganoon din si Erving. Kung minsan, hinihintay lang ang nalalabing piraso upang mabuo. Nangyari ito sa Lakers nang dumating si Magic Johnson, at noong lumipat doon si Phil Jackson. Kung minsan, ang pangarap na magkampeon ay hindi matutupad. Tignan na lang natin ang mga tulad ni George Gervin, Patrick Ewing, Charles Barkley at Dominique Wilkins.
Ni hindi nila naamoy ang kampeonato, subalit tanyag sila bilang mahuhusay na indibidwal na manlalaro.
Minsan, mas mainam pang maging supporting player kaysa sa superstar. Minsan, mas nakakasigurado kang darating ang panahon mo. Sa dinami-dami ng superstar na naging champion, mas marami ang mga bangko na naki-angkas sa tagumpay.