Aksiyon sa MY Games hahataw na

Hindi nagawang pigilan ng paminsan-minsang pagbuhos ng ulan ang pagdagsa ng mahigit sa 14,000 katao na karamihan ay binubuo ng mahuhusay na atleta na may edad 15-pababa na nagtipun-tipon kahapon upang saksihan ang makulay at malapiyestang opening rites ng 3rd Manila Youth Games (MY Games) sa Rizal Memorial Track Stadium.

Bukod sa mga atleta, dumalo rin sa nasabing pagtitipon ang mga top sports official ng bansa, city hall luminaries at mga kinatawan mula sa 897 barangays at 130 public at private schools sa Manila kung saan si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Eric Buhain ang siyang naging panauhing pandangal at tagapagsalita.

Walang iba kundi si Manila Mayor Lito Atienza ang naggawad ng plaque of recognition sa mga Manila’s sports greats sa pangunguna ni Anthony Villanueva ng boxing, Eric Buhain ng swimming, Enrique Beech ng shooting at football, at Avelino ‘Samboy’ Lim, Jr., at Jerry Codiñera ng basketball.

Tampok kahapon sa maningning na seremonya ang cheering competition, giant kiteflying exhibition at acrobatic show na nagtatampok sa dating street children kung saan umalingawngaw ang iba’t ibat musika na inawit at nagkaroon ng sayawan sa Rizal Memorial Sports Complex bago idineklara ni Atienza ang pormal na pagbubukas ng isang linggong hostilidad.

Magsisimula ngayong araw ang aksiyon sa badminton, dancesports at baseball sa Rizal Memorial Sports Complex, habang ang aksiyon sa lawn tennis, table tennis, chess at volleyball ay idaraos bukas. Ang Chess ay gaganapin sa Harrison Plaza, habang ang volleyball ay sa kalapit na San Andres gym.

Show comments