Maraming bersyon ang nangyari. Marami raw kondisyon si Manalo para bumalik sa Ateneo. Kailangan daw bigyan ng playing time, at kung anu-ano. Sa kabilang dako, may mga nakaaway daw si BJ noong umalis siya sa Ateneo, at galit pa rin daw sa kanya ang mga iyon, kaya nahirapan siyang maging ganap na bahagi ng Blue Eagles.
May kumakalat din na tsismis na may ibang player na naagawan ng puwesto ni Manalo, kaya siya iniintriga. Nagalit din ang ilang beterano ng koponan, dahil kinukuwestyon nila ang motibo ni Manalo sa pagbalik sa AdMU. Pagmamahal ba sa paaralan, o pansariling kapakanan lamang?
Magugunitang nagwagi si Manalo ng UAAP junior championship bilang Ateneo Blue Eaglet. Ginulat niya ang marami nang lumipat siya sa mahigpit na karibal na De La Salle Green Archers. Ngayong diumanoy di sila magkaunawaan ni coach Franz Pumaren, bumalik siya sa Atemeo.
Sa mata ng marami, pangit tignan ang paglundag-lundag ni Manalo sa magkabilang bakod. Bukod dito, mahirap intindihin ang desisyon niyang pasukin ang show business. At may mga miyembro na rin ng media na nakabangga ng bahagi ng management team ni BJ, na ngayoy nagiging bakod sa paligid ng manlalarong datiy madaling lapitan.
Sa tutoo lang, pangit din tignan na ang mga Atenistang kilala sa kanilang dignidad ay nakikipag-iringan. Lalong masamang tignan na nag-iintrigahan na parang mga paslit. Higit sa lahat, hindi ginalang ang pagpili ni coach Sandy Arespacochaga kay Manalo.
May mga umaasang makababalik si Manalo bago magsimula ang UAAP sa ika-10 ng Hulyo. Pero malabo nang mangyari iyon. Ang tubig na naputikan nay di na maaaring inumin.