Ang mabawi ang trono at maipagpatuloy ang kanilang dinastiya ang siya ngayong misyon ng Stags sa pagsalubong nila sa hostilidad ng 80th NCAA season basketball tournament, na mag-uumpisa na bukas sa Araneta Coliseum.
"Of course thats our target. We will not settle for anything less than the championship." pahayag ni multi-titled SSCR mentor Turo Valenzona.
Ang Recto-based Stags ang siyang nag-uwi ng 7 sa huling 11 titulo ng pinakamatandang liga sa bansa. Kabilang dito ang pambihirang 5-peat noong 1993 hang-gang 1997 at ang back-to-back title noong 2001 at 2002.
Sa pangunguna ng Most Valuable Player na si Leo Najorda, ang San Sebastian, noong isang taon, ay nakipagtabla sa Letran para sa pinakamagandang rekord (9-5) sa eliminasyon, bagamat, dahil sa mas mababang quotient, sila ay itinalaga lamang bilang no.2 seed sa Final Four.
Ang tropa, na kinabibilangan din nina Pep Moore, Nicole Uy, Chris Baluyot at Michael Gonzales, ay wala gaanong hirap na dinispatsa ang Jose Rizal U sa semis upang makaakyat sa finals, kung saan nakaharap nila ang Knights.
Matapos mabigo sa Game 1, ang Stags ay rumesbak sa kasunod na laro upang itulak ang serye sa sukdulang game 3, kung saan kinapos din sila at isinuko ang titulo sa Letran.
Bahagi pa rin ng koponan sina Najorda, Baluyot, Moore, Gonza-les at Uy at sila ay palalakasin nina Victor Maneclang, Erwin Estole, Raymond Aguilar, Red Vicente, Venancio Rebuya, at ng mga rookie na sina Ian Delgado, Francis de Leon, Bruce Viray, Jason Ballesteros at Miguel Lindaya.
Ang San Sebastian ay umaasinta sa kanilang ika-12 titulo sa kasaysayan ng liga.
Kabilang sa ginawang pag-hahanda ng Knights ay ang paglahok sa katatapos na Philippine Basketball League 2004 Unity Cup, kung saan, dala ang pangalang Toyota Otis-Letran, ay sinor-presa nila ang lahat nang tumapos sila bilang 2nd runner-up.
"Ang laki nang na-gain namin dun sa PBL stint. Unang-una eh nagkaroon yung team ng mental toughness. Alam na ng mga bata kung paano i-handle yung pressure." wika ni coach Louie Alas. "But our primary goal this season is just to enter the finals four. Lets see na lang how far can we get after that."
Ayon pa kay Alas, anim lamang sa 8 koponang maglalaban-laban ang tunay na "contender". "Of course kasama kami dun. Ayaw ko lang sabihin kung sino yung dalawang hindi ko isinasali baka pag nabasa nila eh maging motivating factor pa nila yun."
Sa pananatiling buo ng tropang umangkin sa korona noong isang taon, kumpiyansado si Alas at ang mga tagasuporta ng Knights na mapapanatili nila ang trono ng liga sa kanilang kampo sa Intramuros.
Si Ronjay Enrile pa rin ang pagmumulan ng pag-atake ng Letran at nariyan para sumuporta sa kanya sina Boyet Bautista, Aaron Aban, Jonathan Aldave, Jonathan Pinera, Erick Rodriguez, Billy Ray Anabo, Dale Santos, Mark Balneg, John Realista, Andro Quinday, Norman Ebajay, at ang mga rookie na sina John Paul Alcaraz, ang 67 behemoth na si Mark Andaya, at si Hafer Mondragon. (Ulat ni IAN BRION)