Pag nagkataon mapapasabak sa kauna-unahang pagkakataon sa isang pay-per-view event ang isang Pilipino boxer bagamat dalawang beses na ring lumabas sa pay-per-view si Pacquiao nuong siya ay naging undercard ng mga laban nina Oscar dela Hoya at Javier Castillejo at maging ang laban nina Lennox Lewis at Mike Tyson.
May negosasyon na ang HBO at ang kampo nina Barrera at Pacquiao. Si Barrera ay kakatawanin ng Golden Boy Promotions ni Oscar dela Hoya at si Pacquiao naman ay hawak ng M&M Sports ni Murad Muhammad.
"Magandang balita ito na mukhang lumilinaw na paglalabanin muli sina Pacquiao at Barrera," ayon sa PSN Sports insider na naka-base sa Los Angeles. "Talaga namang mas maganda ang rematch nina Pacquiao at Barrera kaysa sa labanang Barrera at Erik Morales."
Bumulusok muli ang career ni Barrera matapos nitong bugbugin si Paulie Ayala noong Linggo sa Home Depot Center sa Carson, California.
Bago ang labang ito ay ginulpi ni Pacquiao sa loob ng 11 rounds sa San Antonio, Texas, noong Nobyembre 2003 si Barrera.
Huling lumaban si Pacquiao nito lamang Mayo 8 kontra kay Juan Manuel Marquez ng Mexico sa MGM Grand Garden sa Las Vegas. Nagtapos sa isang kontrobersyal na 12-round split draw ang labang yun matapos makabalik mula sa tatlong bagsak si Marquez sa first round.