Yan ay kung magtatagumpay ang Coca-Cola at Ginebra sa kanilang magkahiwalay na laban sa pagpapatuloy ng semifinal action sa PhilSports Arena.
Parehong nasa pintuan na ng finals ang Tigers at Gin Kings nang kunin ang 1-0 bentahe sa best-of-three series kaya parang may twice-to-beat advantage na sila sa kanilang kalaban.
Isang panalo na lamang ang kanilang kailangan para maisaayos ang kanilang laban sa finals na reresolbahin sa best-of-five series para matukoy ang hari ng transition tournament na ito habang obligado naman ang Phone Pals na ipanalo ang huling dalawang laro sa serye.
Natakasan ng Coke ang malaking opensiba ng Red Bull para sa 91-87 panalo habang intensibong laro naman ang ipinamalas ng Gin Kings para pabagsakin ang Phone Pals sa pamamagitan ng 100-95 panalo.
Sa likod ng panalong ito, ayaw pakasiguro ni Coca-Cola coach Chot Reyes at Ginebra mentor Siot Tangquincen.
Kapwa batid ng dalawang coach na malaking pader ang kanilang binabangga kaya parehong intensibong paghahanda ang kanilang isinagawa sa kanilang laban ngayon para sa Game-Two ng semis series.
Mauunang maghaharap ang Ginebra at Talk N Text sa alas-4:45 ng hapon at sa dakong alas-7:10 ng gabi naman ang labanan ng Red Bull at Coca-Cola.
Nakasalalay pa rin kina Ginebra import Torraye Braggs at Tigers reinforcement na si Mark Sanford ang kanilang magiging kapalaran. (Ulat ni CVOchoa)