Pacquiao-Barrera match niluluto

Umaandar ang negosasyon para sa Manny Pacquiao versus Marco Antonio Barrera rematch bagamat may lumalabas na mga balitang interesado rin si Barrera na makaharap si Erik Morales.

Ito ang pahayag ni Richard Schaefer, kanang-kamay ni Oscar dela Hoya sa Golden Boy Promotions sa isang maikling panayam.

Sinabi ni Schaefer na mukhang masama lamang ang naging timplada ni Barrera ng ito ay humarap kay Pacquiao noong Nobyembre ng isang taon sa Alamodome sa San Antonio, Texas, kung kaya’t nakuha ni Pacquiao na talunin si Barrera sa ika-11 round.

Natuwa ang Golden Boy Promotions matapos magpakitang gilas si Barrera kontra kay Paulie Ayala nito lamang Linggo ng umaga sa Home Depot Center sa Carson, California.

Pinatumba ni Barrera ng tatlong beses si Ayala kung kaya’t walang nagawa ang premyadong referee na si Pat Russell kundi itigil na ang laban.

Sinabi ni Schaefer na malalaman niya sa lalo’t madaling panahon kung magkakaroon nga ng rematch sina Pacquiao at Barrera dahil sa mayroon ding ibang rutang tinatakbo ang kampo ni Barrera at isa rito ang pangatlong laban kay Morales.

Ngunit sinabi naman ni Rod Nazario, business manager ni Pacquiao, na mas maganda kung papayag si Barrera na humarap muli kay Pacquiao upang mabigyan siya ng pagkakataon na patunayan kung talaga nga bang wala siya sa tamang kundisyon noong sila ay magharap ni Pacquiao.

Show comments