Malakas ang signal ng Talk 'N Text

Ngayon ay alam na ng lahat kung sino ang X-Factor sa Talk N Text.

Ito’y walang iba kundi si Willie Miller na siyang nagbida sa 119-115 panalong itinala ng Phone Pals kontra sa Red Bull Barako noong Sabado sa Gran Matador-PBA Fiesta Conference. Sa larong iyon, si Miller ay nagtala ng career-high 33 puntos bukod pa sa apat na rebounds, apat na assists at tatlong steals.

At ang nakamamangha sa panalong iyon ay ang pangyayaring naglaro ang Phone Pals nang wala sina 2003 Most Valuable Player Paul Asi Taulava at import Jerald Honeycutt na suspendido ng isang game dahil sa partisipasyon sa kaguluhang naganap sa TNT-US Pro-Am game noong Miyerkules.

Laban sa Red Bull ay talagang dehado ang Talk N Text. Pero hindi makalayo ang Barako. Sa huling dalawang minuto ay lamang lang ng apat na puntos ang Red Bull, 115-110 subalit hindi na sila nakaiskor pa.

At nagbida nga si Miller na gumawa ng lima sa huling siyam na puntos ng Phone Pals. Bukod dito ay nagwagi pa siya sa jumpball kontra kay Enrico Villanueva, nagbigay ng magandang assist kay Mark Clemence Telan at nakakumpleto ng isang steal upang siguraduhin ang panalo ng Phone Pals.

Ang Talk N Text ang siyang kinukunsiderang pinakamainit na koponan sa torneo sa kasalukuyan dahil nagwagi sila sa kanilang huling pitong games. At sa pitong panalong iyon, limang beses na pinarangalan bilang Player of the Game si Miller.

Sa pitong games ay nag-average siya ng 27.71 puntos, 4.14 rebounds, 5.14 assists at 1.71 steals. Matitinding mga numerong animo’y pang MVP muli. Hindi na naman bago para kay Miller ang MVP award dahil sa nakamit na niya ito noong 2002.

Kaya nga marami ang nagulat nang ipamigay siya ng Red Bull Barako sa Talk N Text bago nagsimula ang Fiesta Conference. At wala pang kinuhang kapalit ang Barakos!

Sa pagdating ni Miller sa kampo ng Talk N Text ay lumalim na talaga nang husto ang bench ng Phone Pals. Kasi nga’y bago dumating si Miller, si Ferdinand Ravena ang starting off guard ng Talk N Text. Ngayon ay halos nababangko na si Ravena dahil sa mahigit sa 30 minuto ang exposure ni Miller kada laro.

Kung normal ang productions nina Taulava at 2003 Rookie of the Year Jimmy Alapag, aba’y gaano kalaki ang idinadagdag ni Miller dito. Higit na mas malaki ang mga numero niya kaysa sa kontribusyon ni Ravena noong isang taon.

Kaya naman understandable kung mamayagpag nang husto ang Phone Pals.

At noong Sabado ay nakita din ng lahat na puwede ding magbigay ng kanilang kontribusyon ang mga big men na sina Telan at Yancy de Ocampo.

Kaya naman tila nakakatakot na kalaban ang Talk N Text sa best-of-three semifinal round kung saan makakaharap nito ang crowd-favorite Barangay Ginebra. Biruin mong wala na nga sina Taulava at Honeycutt ay kaya pang manalo ng Phone Pals. Paano pa kung buong-buo ang Talk N Text?

E, idagdag pa nga dito ang pangyayaring hanggang ngayon ay hindi pa rin naglalaro si Harvey Carey na miyembro ng Mythical team noong isang taon!

Matindi!

Show comments