Ito ay ipapabatid ng SMB ngayon sa PBA makaraang magdesisyon ang SMC management na pa-win na ang kanilang import dahil sa dismayado sila sa performance ni Long, lalo na dito sa kasalukuyang quarterfinal round ng PBA Fiesta Conference.
Matapos makuha ang top seed na team sa kanilang bitbit na 16-2 win-loss slate na nagdala sa kanila sa awtomatikong quarterfinal slot, hindi naman naging maganda ang bungad sa kanila nang agad makalasap ng dalawang sunod na kabiguan. Una sa kamay ng Red Bull Barako noong Miyerkules, 96-89, at ikalawa naman ay noong Sabado kontra naman sa Talk N Text, 104-92.
Bunga ng dalawang kabiguang ito, nasa delikadong kalagayan na ngayon ang Beermen patungo sa semis kung saan ang dalawang pangunahing team sa dalawang grupo ang maglalaban sa crossover semis, kayat malamang na hindi na rin sila kumuha ng ipapalit kay Long.
Sa kanilang laban sa Red Bull, umiskor si Long ng 21 puntos, 13 rebounds, 5 assists at 2 blocks habang nagtala naman ito ng 17 points, 16 rebounds at 2 assists laban sa Phone Pals.
Sa kabuuan, ang mainitin ang ulo na si Long, na may average na 24.5 pts per game, 13.1 rebounds, 4.2 assists, 1.2 steals at 5 turnovers ang kulelat na performance sa 10 imports sa nagdaang eliminations kung saan nangunguna si Sta. Lucia import Derek Brown.
Nasa hulihan din si Long sa walong team na nasa finals kung saan namamayagpag naman si Mark Sanford ng Coca-cola Tigers kasunod si Victor Thomas ng Red Bull at Jerald Honeycutt ng Talk N Text. (Ulat ni Dina Marie Villena)