Galing sa malaking 68-49 paggupo sa Paintmasters kamakalawa, ang Teeth Sparklers ay pinapaborang magwagi laban sa eliminado nang Toyota Otis-Letran sa kanilang pagsasalpukan sa ika-2 ng hapon.
Ang defending champion ay umaasinta sa panalong maglalapit sa kanila sa pagkopo ng playoff para sa bakanteng upuan sa kampeonato.
Ang Knights ay wala na sa kontensyon matapos itong yumukod sa Viva Mineral Water-FEU, 62-51, noong Huwebes na naghulog sa kanilang rekord sa 5-8.
Samantala, sa ikala-wang laro sa alas-4, kakatagpuin ng Paintmasters ang Water Force sa labang posibleng maging preview ng duelo para sa titulo maliban na lamang kung masilat ang una ng Teeth Sparklers.
Tangan ang 12-2 win-loss slate, ang Viva ang umokupa sa unang finals seat at kanila na lamang kinukumpleto ang kanilang asignatura sa yugtong ito ng torneo, na ginagamit din nila sa pagha-handa sa sasalangang best-of-5 titular series na mag-uumpisa na sa susu-nod na Sabado.
Ang Welcoat at Hapee, na kasalukuyang may 8-6 at 7-7 marka ayon sa pagkakasunod, ay parehong 2-2 sa semis at kapwa umaasa na maipanalo ang huli nilang dalawang laro upang makapuwersa ng playoff para sa ikalawang finals berth sa ilalim ng 4-of-6 incentive rule.
Subalit kung magwawagi ang Paintmasters sa isa sa dalawa nitong natitirang laro at mabibigo ang Teeth Sparklers na walisin ang nalalabi nilang asignatura, ang una ang siyang aakyat sa kam-peonato.
Ang tanging paraan para makuha ng Hapee ang direktang puwesto sa finals at hindi na dumaan sa playoff ay ang ipanalo nito ang dalawa nilang laro at mabokya ang Welcoat sa dalawa nilang pagsabak. (Ulat ni IAN BRION)