Tinalo ni Bustamante ang kababayang si Warren Kiamco sa isang makapanindig-balahibong 9-8 tagumpay sa Manila leg ng naturang Asian qualifying na ginanap sa Octagon Hall ng Robinsons Galleria.
Sa 17th at final rack, ramdam na ng 40 anyos na si Bustamante ang kabiguan nang magmintis ito sa kanyang break at iwan ang mesa na bukas para kay Kiamco.
Ngunit hindi natapos linisin ni Kiamco ang mesa nang magmintis ang mahaba nitong tira sa ball-3 at ibigay sa World No. 1 player na si Bustamante ang huling pagkakataon.
Hindi na nagpabaya pa si Bustamante na makawala pa ang oportunidad na ito at tapusin ang laban sa pamamagitan ng maikli at mahinang carom sa No. 7 at 9. Habang papasok na ang bola sa left corner pocket sumigaw pa si Bustamante ng "ayan na!".
Sa isa pang quarterfinal match nabalewala ang paghahabol ni Efren Bata Reyes nang sa huli ay yumuko sa mas batang si Lee Van Corteza sa isa pa ring makapigilhiningang 9-8 tagumpay.
Nakuha naman ni Korean hotshot Jeong Young Hwa ang unang slot sa semis makaraang dispatsahin si Nguyen Thanh Nam ng Vietnam, 9-7 para makaharap si Corteza sa semis.
Makakaharap ni Bustamante sa semis ang 15 anyos na cue artist ng Chinese-Taipei na si Wu Chia Ching na nanaig kay Korean Park Shin Yong.