Tumikada si Santos ng game-high na 18 pun-tos, 17 rebounds at 3 steals at bumangon ang Water Force mula sa masamang pasimula upang iposte ang 84-69 demolisyon kontra sa Toyota Otis-Letran kahapon sa pagbubukas ng semifinal sa Pasig Sports Center.
Ang panalo ay ang ika-8 sunod at ika-10 sa 11 asignatura ng Viva, na ngayon ay nangangailangan na lamang na ipanalo ang isa sa susunod nilang 5 laro upang makapasok sa kampeonato.
Bunga marahil ng mahigit isang linggong pahinga, ang Water Force ay tila puno ng kalawang sa unang 10 minuto ng laban kung saan iniwanan sila ng Knights, 21-14.
Subalit sa pamumuno ni Denok Miranda, in-outscore ng Viva ang Toyota sa second period upang agawin ang trangko na hindi na nila binitiwan hanggang huli.
Si Santos ay partikular na nag-init sa ikatlong yugto kung saan pumukol siya ng 9 na puntos, na siyang naging sandigan ng kanyang koponan para palobohin ang kalamangan ng hanggang 17 puntos.
Umiskor din si Mark Isip ng 15 puntos habang si Miranda ay tumapos na may 11 puntos para sa Viva na naging runner-up sa 2003 Unity Cup.
Sa ikalawang laro, pinutol ng Welcoat Paints ang kanilang 3-game losing streak sa pamamagitan ng 70-50 paglampaso sa defending champion Hapee Tooth-paste. (Ulat ni Ian Brion)