Jr. Hotdogs semis na

Humakot si Jerome Guevarra ng 20-puntos nang igupo ng Purefoods-Taguig ang Ginebra-Makati, 79-62, na kumumpleto ng semifinal casts sa Group A ng Burlington-PBA Jr. Summer Basketball League sa Araneta Coliseum kahapon.

Kinana ni Guevarra ang 14-puntos nang kumawala ang Jr. Hotdogs sa unang quarter para tapusin ang kanilang elimination assignment sa 3-1 (win-loss) record habang ang Jr. Kings naman ay may 2-2.

Namuno ang FedEx-San Juan sa Group A matapos ang 124-56 pananalasa sa Alaska-Mandaluyong noong Sabado para sa malinis na 4-0 record matapos ipalasap sa Jr. Aces ang ikatlong sunod na talo.

Makakalaban ng FedEx-San Juan at Purefoods-Taguig ang top two teams ng Group B sa crossover semifinal.

Sa isa pang laro noong Sabado, inilampaso naman ng San Miguel-Malabon ang Red Bull Pasay, 87-56 victory para manatili sa kontensiyon sa semifinal spot sa Group B matapos magtala ng 2-1 record na naglagay sa kanila sa second spot katabla ang Shell-Manila habang bumagsak naman ang Jr. Barakos sa 1-3.

Show comments