UNANG HAKBANG

Ngayong bilangan na lamang ang hinihintay bago iproklama ang bagong pangulo, ulitan na naman ang laro sa sports.

Sino ang pauupuin sa mga mahahalagang ahensya tulad ng Philippine Sports Commission, Games and Amusements Board, at iba pa?

Higit na mahalaga, ano ang magiging pamamalakad ng pamahalaan hinggil sa sports?

Una sa lahat, kailangang maglinis-bahay ang pamahalaan.

Hindi sapat na pagpaalam lang o magbigay ng courtesy resignation ang mga nakaupo. Bago umalis, dapat may imbestigasyon, para malaman kung nakabuti o nakasama sila sa kanilang tanggapan.

Sa ganoon, di basta makakatakas ang tiwali, at mapapanatili ang mahusay.

Pangalawa, kailangang palakasin ng Pangulo ang kalusugan ng mga mamamayan.

Sa ilang bahagi ng US, nalamang bumaba ng husto ang mga aktibidades ng mga kabataan dahil sa kakulangan ng pondo.

Pinag-aralan kung paano pakikilusin ang mga bata, at dahil dito, maging ang disenyo ng mga gusaling pampaaralan ay nagbago. Ngayon, mas malalakas ang mga mag-aaral sa mga lugar na iyon, at di na gaanong lumalamon ng junk food.

Pangatlo, siyempre, kailangan ng salapi. Papaliit ng papaliit ang binibigay ng lehislatura sa sports, at parami ng parami ang nakikihingi.

Ang pondo ng PSC, halimbawa, ay dapat mapunta sa paghahanap at pagsasanay ng mga Pambansang atleta. Bakit napupunta sa kung anu-anong mga palaro? Kung ganoon lang, bakit di pa lakihan, para magkasya.

Susunod, asikasusin na ang SEA Games. Nililigawan natin ang malaking kahihiyan kung di natin ito papansinin. Kung sa Athens Olympics, nagkakaproblema, lalo pa sa atin. Mahiya ang Presidente pag di nagtagumpay dito.

Sa pangkalahatan, dapat ipamalas ng Ehekutibo na mahalaga sa kanila ang kalusugan at inspirasyon ng ating mga mamamayan. Iyan lamang ang pamanang may kabuluhan.

Show comments