Abay magpaparada ng ikalimang import ang Hotdogs bukas sa kanilang muling pagtatagpo ng Talk N Text Phone Pals. Pinauwi na nila si Tyrone Washington na walang binatbat at halos hindi nakatulong sa kanila sa huling tatlong laro bagamat nagawa nilang magwagi kontra sa Shell Velocity.
Sa tatlong games, si Washington ay nag-average ng 19 puntos, 10 rebounds, dalawang assists, 1.67 blocked shots at 2.33 errors sa 36.33 minuto. Malayung-malayo ang mga numerong ito sa inaasahan ni coach Paul Ryan Gregorio. Gusto kasi niya ay isang take-charge guy bilang import.
Sayang talaga si Lenny Cooke na nagtamo ng Achilles heel injury sa kauna-unahang laro ng Purefoods sa torneo. Biruin mong sa 27 minutong paglalaro laban sa Coca-Cola noong Pebrero 25 ay nagtala si Cooke ng 20 puntos, 14 rebounds, isang assist, dalawang steals, isang blocked shot at tatlong errors.
Matindi sana si Cooke. isa pay kabisado na niya ang sistema ng Purefoods dahil sa naglaro na siya sa kampo ng Hotdogs noong isang taon nang halinhan niya si Harold Arcineaux. Pero minalas siya at nagtamo ng injury kung kayat umuwi na lang siya.
Bago kinuha si Washington ay sinubukan din ng Purefoods sina Reginald Butler at Eddie Elisma.
Si Butler ay nag-average ng 10 puntos, 14.5 rebounds isang assist, dalawang blocked shots at 2.5 errors sa 35.5 minuto sa dalawang laro. Ang sagwa no! Kaya naman kaagad siyang pinalitan ni Elisma.
Si Elisma ay nagtala naman ng 24 puntos, 14.63 rebounds, 1.88 assists, 1.4 steals, 2.88 blocked shots at 4.38 errors sa 43.25 minuto sa walong games. Pwede na rin sana siya. Kaya lang, tila kulang sa intensity si Elisma. Hindi niya napapasigla ang kanyang mga local teammates.
Bukas ay magpupugay sa Hotdogs si Joe Zalatel, isang puting import na may tangkad na 67 at may timbang na 240 pounds. Siya ay 31 taong gulang at produkto ng Arizona State. Inirekomenda siya ni Chris Clay na dating naglaro sa Laguna Lakers sa MBA at sa Sta. Lucia Realty bilang import.
Ewan natin kung ano ang maitutulong ni Zalatel pero dahil sa Caucasian siya ay maraming nagdududa kung puwede siyang maging dominante sa Fiesta Conference. Hindi nga bat pinauwi ng Shell Velocity si Marek Ondera na puti rin.
Kasi nga, sa isipan ng mga PBA fans, iba ang mga itim na imports kaysa sa mga puting imports. Mas matibay at malakas ang panga-ngatawan ng mga itim na imports. Kahit naman sa NBA ay mga itim na players na rin ng nagdo-dominate, di ba?
Pero malay natin. Nasa ilalim ng standings ang Purefoods. Sumubok na ito ng apat na itim na imports pero walang nangyari. Baka sakaling magmilagro ang isang tulad ni Zalatel.
Wala namang mawawala sa Hotdogs, e. Kumbaga sa lumang cliche, wala silang ibang pupuntahan kundi pataas!