Maraming "sana" at "dapat" na nangyari para matuwa ang lahat. Kaso nga, hindi.
Tanggapin na natin na nakataga na sa bato ang pandaraya sa professional boxing.
At kapag ang kausap ay tulad ni Bob Arum o Don King, asahan mong hindi maganda ang kalalabasan.
Uunahin nila ang mga manonood at palagatasan nilang Amerikano, Koreano at Meksikano.
Ang mga Pinoy? Balewala sa kanila.
Ang tanging pinanghahawakan ay kapangyarihang magdala ng pera sa WBC, WBA at IBF.
Pero, sa oras na may ibang umangat na promoter, tapos ang maliligayang araw nila.
Kung nais nating makipaglaro sa kanila, ang tanging magiging pang-akit natin ay ang galing ng ating mga boksingero, tulad ni Manny Pacquiao.
At ang tanging panalo ng mga tulad ni Pacquiao ay patulugin ang mga kasagupa.
Sa madaling sabi, alam na nating dadayain tayo. Noong kalagitnaan ng 1980s, tinayang 50 ang mga title fights taun-taon.
Labinlima dito ay nilahukan ng Pilipino. Pero bakit tila wala tayong kampeon, o kayay walang nagtagal? Kasi halos lahat ay dinaya.
Huwag na tayong umatungal pa. Iwasan na natin ang pagreklamo. Una, wala itong matatamo. Pangalawa, alam na nating ganyan ang situwasyon, pero pinasok pa rin natin.
Tanggapin na natin, dadayain at dadayain tayo. Ang uwak, hindi nagbabago ng kulay.