Ngayon ang perpektong tsansa para sa Pinoy boxer na makuha ang tag na iyon.
Hangad ng masiglang si Tanamor ng RP-Alaxan FR ang final seat at awtomatikong puwesto sa Athens Games sa kanyang pakikipaglaban kay Namajonov Otabek ng Uzbekistan sa semifinals ng 3rd Asian Olympic qualifying boxing tournament (Green Hill Cup) dito sa KPT Sports Complex.
At sa ngayon isang impresibong sakay sa panalo ng 25 anyos na ipinagmamalaki ng Zamboanga City sa isang linggong, 29-nation meet, ang mapagwagian ang kanyang laban sa pamamagitan ng Referee-Stopped-Contest Out-scored (RSCOS), na ang huli ay kontra sa tigasing si Abdraimov Nurlan ng Kazakhstan sa kanilang 48 kg. quarterfinal match noong Linggo.
Hindi siya nangangako na tapusin ang kanyang semifinal fight sa gayunding klaseng panalo ngunit ipinangangako niyang mapapag-wagian niya lahat.
"Gagawin natin lahat para po manalo," anang nag-iisang naiwang Pinoy sa RP squad, na ang biyahe dito ay ginastusan ng Alaxan FR, Philippine Sports Commission (PSC), Pacific Heights at Accel,na makarating ng ganito kalayo sa torneo.
"We all pray that Harry succeeds. A victory will not only be his own, but the rest of the Filipinos as well," ani Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) President Manny Lopez na namuno sa Filipino contingent.
Nagpadala din ng pampalakas loob na salita si PSC Chairman Eric Buhain sa Pinoy sa bisperas ng kanyang laban.
"Our prayers for Harry on his bid for an Olympic berth. We have faith in you. Go for the gold and good luck," ani Buhain.
Nabigo si Tanamor sa kanyang dalawang naunang kampanya sa Asian Olympic qualifying na ginanap sa Palawan at China, ayon sa pagkaka-sunod ngayong taon.