Buo na ang ating pambansang koponan, na hawak ni Dong Vergeire at Boycie Zamar. Nasuyod na nila ang buong Pilipinas upang hanapin ang mga kabataang magdadala ng bandera sa mga susunod na taon. Unang hamon nila, ang William Jones Cup sa Taiwan, isang pagpaparangal sa unang secretary-general ng FIBA na nanirahan don.
Liban sa Southeast Asian Games, ang Asian Club Championships ay isang torneo kung saan kaya ng Pilipinas ang talunin ang mga ibang malalakas na bansa sa Asya. Bagamat maaaring magdala ng import sa torneo, magandang sukat din ito sa mga manlalarong lokal, dahil makakasagupa nila ang ilan sa mga national team player ng ibang bansa sa Asya na naglalaro sa kani-kanilang mga commercial teams.
Unang idinaos sa Hong Kong ang paligsahan noong 1981. Nagkampeon ang koponang August First ng China. Noong 1984 sa Malaysia, nagtagumpay ang Pilipinas, na pinagbibidahan ng Northern Cement na dala ni Ron Jacobs. Ilan sa mga naglaro ay sina Samboy Lim, Allan Caidic at Hector Calma. Ito rin ang huling koponan na tumalo sa US (sa Jones Cup).
Sa labing-apat na taon, apat na beses nagwagi ang Pilipinas: 1984 (Northern Cement); 1988 (Swift-PABL); 1995 (Andoks); 1996 (Hapee). Subalit ilan taon ding hindi tayo sumali. Sa madaling sabi, puwede sana tayong mamakyaw ng tropeo doon, kung ginusto natin.
Mula 1999, pawang Lebanon, Syria at Qatar ang nananalo. Una, mga Amerikano na ang nagiging coach doon. Pangalawa, napag-aralan na nila ang kanilang mga kalaban. Nakapaghanap na rin sila ng mga dekalidad na import. Si Andrew Pitts ng Al Wahda, Syria ang tinanghal na Most Valuable Player ng huling torneo, at nakapagtala ng pinakamataas na iskor sa isang laro at pinakamaraming 3-point shot.
Ano ang sikreto ng mga Arabyano? Una, pisikal silang maglaro, kaya kahit saan sila mapunta, ilang ang mga kalaban, dahil baka masaktan. Dagdag pa rito, panay ang lahok nila sa mga torneo, kaya batak sila palagi. Pangatlo, malalaki ang kanilang mga guwardya, kaya hirap ang mga tulad natin sa Southeast Asia na maliliit ang mga point guard. Talo kaagad sa match-up. At nakinabang din ang Lebanon, Qatar at Syria sa pag-angat ng Tsina. Hindi na gaanong napapansin ng China ang Asya, dahil Olympics at NBA na ang kanilang pinupuntirya.
Malayo na ang hahabulin natin, mauunahan pa tayo ng mga Arabo.