Ang duelo ay itinakda sa ganap na alas-dos ng hapon, na susundan ng pagsasagupa ng kapwa umiiwas sa maagang eliminasyon na Lee Pipes-Ateneo at Blu Star Advance sa tampok na laro sa ika-4 ng hapon.
Ang unang outright semis berth ay nasa kamay na ng nangungunang Viva Mineral Water-FEU sa bisa ng tangan nitong 7-1 record. Ang isa pang slot ay mapupunta na sana sa Welcoat Paints kung hindi ito nabigo sa Blu Star, 77-74, kamakalawa, na nagbigay pa ng pag-asa sa Hapee, Toyota, at Sunkist-UST.
Ang Teeth Sparklers at Knights ay may magkaparehong 3-4 win-loss slate at kanilang makakamit ang naturang pribilehiyo kung maipapanalo nila ang lahat sa kanilang natitirang tatlong asignatura. Ang isa nilang pagkatalo, gayundin ng Tigers na may 4-4 marka, o ang pagwawagi ng Paint Masters ng isa pang laro ay magdudulot sa kanila ng kabiguan sa naturang slot.
Gaya ng Teeth Sparklers, na kamakalawa ay pinayuko ng Montana Pawnshop, 75-76, ang Knights ay nakasakay din sa serye ng kabiguan, kung saan natalo ito sa nakalipas nilang dalawang pagsalang, pinakahuli ay ang 64-77 pagluhod sa Water Force noong Sabado.
Samantala, sisikapin naman ng Blue Eagles na dugtungan pa ang tinatamasa nila ngayong magkatalikod na tagumpay sa pagsabak nilang ito kontra Detergent Kings, na hangad naman tuluyan nang makabangon sa hukay. Ang dalawang koponan ay may magkapareho ding 2-5 karta at kasalukuyang nasa ilalim ng standings. (Ulat ni IAN BRION)