"Nag-set ako ng goal na kailangan manalo ako. Focus talaga ako, sabi ko sa sarili ko, kailangang manalo ako," wika ng 25-gulang na si Tanguilig, ang PLDT team captain mula sa Aritao, Nueva Vizcaya.
Tulad ng kanyang sinabi, siya nga ang tinanghal na kampeon ma-tapos ang 17-stages ng Tour na umikot sa buong Luzon sa loob ng 21-araw.
Walang naging pagdududa si Tanguilig na makakamit niya ang kanyang layunin kahit sa umpisa ay malayo ang kanyang agwat sa yellow jersey na tanda ng overall individual leadership.
"Talagang ang nasa isip ko lang, ako ang mananalo," sabi ni Tanguilig na unang nakapagsuot ng dilaw na jersey noong Stage 12.
Nabawi man sa kanya ni Postmen team captain Enrique Domingo ang dilaw na jersey sa pag-ahon ng Tour sa Baguio City kung saan inakala ng marami na pumanig na sa Sprint King titlists ang mga bundok ng Benguet.
Ngunit ipinakita ni Tanguilig na mali ang kanilang akala nang muli niyang inangkin ang over all sa Baguio-to-Baguio Stage 15 kung saan siya ang tinanghal na Killer Lap champion.
"Pinanindigan ko na dahil sobrang laki na ng paghihirap ko para makuha ang overall," kuwento ni Tanguilig na nagsubi ng P200,000 individual prize, P25,000 bilang Killer Lap champion bukod pa sa kanyang bahagi sa team prize ng PLDT na nag-10th place at mga premyo sa kanyang stage wins.
Siniguro ni Tanguilig na sa kanya na ang titulo na muntik na niyang makuha noong 2003 kung di lamang ito napagkaisahan ng national team members na naghatid kay Arnel Quirimit sa kampeonato, pagkatapos ng Baguio-to-Tarlac Stage 16.
"Noong Stage 16 ko lang nasiguro na akin na talaga," kuwento ni Ta-nguilig na iniwan ang pagiging computer technician para ituon ang kanyang pansin sa pagbibisikleta, noong 2002.
Pagkatapos ng kanyang tagumpay, isa lamang ang nasa isip ni Tanguilig: ipagpatuloy ang pagbibisikleta.
"Pahinga lang ng konti tapos sakay uli sa bike pero easy ride lang," aniya.
Nakatakdang lumahok si Tanguilig na kabilang sa RP Trade Team, ang professional team na sumasali sa mga professional cycling competition sa ibang bansa, sa Tour de Korea sa June 2. (Ulat ni CVOCHOA)