Inaalat na talaga ang Purefoods Tender Juicy Hotdogs na ngayoy nasadlak sa hulihan ng standings sa kasalukuyang Gran Matador-PBA Fiesta Cup. Anim na sunod na pagkatalo na ang sinasapit ng Hotdogs na may 3-9 record.
At tatlo sa huling anim na laro nila ay puwede sana nilang mapanalunan!
Biruin mong nang makalaban nila ang Red Bull noong Abril 14 ay walang import ang Barakos subalit nagawa pa nilang talunin ang Hotdogs sa overtime, 94-90.
Noong Abril 21 ay nabawian sila ng Sta. Lucia Realty, 99-90. Sa larong iyon ay nagawa ng Purefoods na makalamang ng 13 puntos sa simula ng fourth quarter subalit naubos din sila sa dakong huli.
Noong Sabado ay natalo sila sa San Miguel Beer, 106-97 bagamat na-thrown out ang import na si Art Long may 9:05 pa ang nalalabi sa third quarter.
Sa larong iyon ay nagparada ng bagong import ang Hotdogs sa katauhan ni Tyrone Washington na humalili kay Eddie Elisma. Abay magaling palang mang-asar si Washing-ton dahil nakuhanan niya ng dalawang technical fouls si Long na dati na niyang nakaharap noong nasa kolehiyo pa sila. Kabisado pala talaga ni Washington ang ugali ni Long.
Pero hanggang doon lang pala ang expertise ni Washing-ton. Mula nang ma-thrown out si Long ay anim na puntos na lamang ang kanyang ginawa hanggang sa matapos ang laro at hindi niya natulungan ang Hotdogs na makahabol!
Kumbagay panay salita lang ang nangyari kay Washington at kulang sa gawa. Siya ay nagtapos nang may 23 puntos, 12 rebounds, isang assist, dalawang blocked shots at tatlong errors sa 46 minuto.
Ang hinalinhan niyang si Elisma ay may average na 24 points, 14.63 rebounds, 1.88 assists, 1.4 steals, 2.88 blocked shots at 4.38 errors sa 43.25 minuto sa walong laro.
So kung titingnang maigi ay halos parehas lang ang numero nina Washington at Elisma. Parang hindi nag-improve ang import situation ng Purefoods kung kayat malamang na hindi rin mag-improve ang performance ng Hotdogs.
Yun ang masaklap.
Kung sabagay, wala namang mae-eliminate sa pagtatapos ng double round na pagatatpat ng mga teams. Lahat ay magkakaroon pa rin ng tsansang makausad sa susunod na round. Masikip nga lang ang dadaanan ng No. 9 at No. 10 teams dahil kailangang talunin nila nang dalawang beses ang No. 3 at No. 4 sa kanilang match-up.
Ewan ko lang kung gaano katutoo ang balitang naghahahanap ng bagong coach ang Purefoods at tila nanganganib sa kanyang puwesto ang kaibigan nating si Paul Ryan Gregorio. Umaalingawngaw ang pangalan nina Louie Alas at Junel Baculi bilang mga kinukunsidera.
Kaya naman kailangang makapagbigay ng magandang laban at magwagi ang Purefoods sa mga natitirang games nito.
Pero pabigat na ng pabigat ang pressure sa balikat ni Gregorio at unti-unti na siyang nawawalan ng excuses sa pagkatalo ng kanyang koponan.
Sana makabawi siya.