^

PSN Palaro

Tour Pilipinas 2004: Akyatan na !

-
VIGAN City -- Patungo sa krusyal na stage ng 2004 Air21 Tour Pilipinas na aahon na sa Baguio City, nabuo ang gitgitang labanan para sa overall individual leadership nina Rhyan Tanguilig ng PLDT, Albert Primero ng Dole at STAR carrier Enrique Domingo ng Postmen.

Malaking pakinabang kina Primero at Domingo ang pagpupursigi ng kani-kanilang team na nagtala ng 1-2 finish sa Team Time Trial (TTT) Stage 13 na nanggaling sa Laoag City hanggang sa bayang ito dahil segundo na lamang ang kanilang agwat sa nanatiling overall leader na si Tanguilig.

Kinubra ng Dole ang P20,000 team stage prize matapos magtala ng pina-kamabilis na oras sa 82-kilometrong TTT sa tiyempong 1:50:18.93 na sinundan ng Postmen (1:50:38.1) para sa P10,000 habang puma-ngatlo ang Beer Na Beer (1:51:12) para sa P5,000 na premyo.

Bunga nito, nangunguna pa rin sa P1-million team prize ang Postmen sa team overall sa kanilang aggregate time na 153:34:52.52, may 13:06 minutong distansiya sa pumapangalawang Beer na Beer at 24:52 minutong agwat sa third placer na Dole.

Mula sa mahigit tatlong minutong distansiya kay Primero, 13-segundo na lamang ang distansiya ng 26-gulang na si Tanguilig, produkto ng Aritao, Nueva Vizcaya, sa kanyang total time na 52:31.14 at 14-segundong agwat kay Domingo, ang 35-gulang na San Carlos, Pangasinan pride.

Dahil dito, pukpukan ang labanan sa dalawang Baguio Stage, una ay ang 214.4 kilometrong Vigan-to-Baguio Stage 14 ngayon at ang 199.70-km Baguio-to-Baguio stage 15 bukas para sa P200,000 individual champion purse ng 17-stage race na ito na suportado ng Summit, Gatorade, Red Bull, Elixir Bikeshop, Lactovitale, Pharex at Isuzu.

"Wala kasi ako katulong sa team ko. Tatlo lang kaming gumagana against sa mga kalaban na may pitong riders," wika ni Tanguilig na magsusuot pa rin ng yellow jersey sa Stage 14 ngayon na aahon ng Baguio via Marcos highway. "Pero nandiyan na ‘yan panindigan ko na ‘yan. Ilang araw na akong nagsa-sakripisyo para makarating ako dito. Nandito na ‘yung pinaghirapan ko, idedepensa ko na hangga’t kaya ng katawan ko. Minsan lang dumating ang pagkakataon na ito."

Kung hindi sana napatawan ng isang minutong penalty si Primero, na isa sa nahuling lumabag sa bagong ruling na bawal magbigay ng tubig at pagkain sa hindi ka-teammate habang nasa karera, sa kanya na sana ang overall dahil 4:14-minuto ang kinain nito kay Tanguilig na nakakuha ng 3:28-minutong bentahe noong Stage 12.

"Si Tanguilig ang talagang mahigpit na kalaban ko," wika ng 26-gulang na si Primero mula sa Nueva Ecija na nanguna sa Stage 5 at 12. "Dikit-dikit na lang ako at sa ahon na lang ako makikipag-puwersahan."

"Pipilitin ko ring kumawala tutal hindi na ako ang may suot ng yellow jersey saka medyo konti na lang sakit sa puwet ko kahit papaano," wika naman ni Domingo, limang sunod na araw na nagsuot ng yellow jersey ngunit nahubaran ito noong Stage 12. "Basta may pagkakataon at makasilip ako ng butas, sasama ako sa breakaway."

Inaasahan ni Tanguilig na mahigpit na kompetisyon ang matitikman na niya ngayon mula kina Primero at Domingo kaya’t umaasa siyang maganda ang kondisyon ng kanyang katawan bago magsimula ang karera.

"Pareho silang mahigpit na kalaban (Primero at Domingo) Si Primero, may ahon ‘yan. Si Domingo, di naman masasabing walang ahon ‘yan, may ahon din ‘yan," ani Tanguilig. "Kailangan makondisyon ako bukas. Kondisyunan lang ‘yan pero nagkakatalo ‘yan sa pagkain. Magka-carbo-loading ako ngayon." (Ulat ni Carmela V. Ochoa)

AKO

ALBERT PRIMERO

BAGUIO CITY

BAGUIO STAGE

BEER NA BEER

DOMINGO

PRIMERO

STAGE

TANGUILIG

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with