Kaya naman inaasahang makukuha ng STAR carrier na si Domingo ngayon ang buong suporta ng kanyang koponan 82.70-kilometrong Team Time Trial bilang Stage 13 na magsisimula sa lungsod na ito at magtatapos sa Vigan, Ilocos Sur.
Nagkaisa ang kanyang mga kasama na tutulong ang mga ito para sa karera ngayon kung saan isa-isang pinakakawalan ang bawat team na may dalawang minutong pagitan at bagamat pitong riders ang tatakbo, ang oras ng ikatlong siklista ang kukunin para sa nakatayang P20,000 sa team stage winner, P15,000 sa second place at P10,000 sa third place bukod pa sa magagarang medalya. Gayunpaman ay isasama pa rin ang oras ng mga riders sa kanilang individual overall standing.
"Trabaho talaga kami ngayon, kailangang makakain uli kami ng oras kasi team talaga ang inilalaban namin. Gusto naming maka-first o second place kasi kaila-ngan matulungan din namin si Domingo," wika ni Post-men coach Ricarlito Balmes na isinailalim sa masusing paghahanda ang kanyang team sa pamamagitan ng pag-eensayo ng kanilang swapping sa rest day ng Tour kahapon.
Mayroon ding ikinabit na mga piyesa sa kanilang mga bisikleta at nagpatahi ng aero jersey ang buong Postmen team na may 13:32 minuto na lamang na distan-siya sa pumapangalawang Beer Na Beer sa kanilang aggregate time na 151:43.14 habang ang Dole ay nanatili sa third place na may 25:11 minutong distansiya.
"Gagawin namin ang lahat para iangat ang team at para tulungan si Domingo," wika ni assistant riding coach Gerry Amar, na eksperto sa team time trial gayundin sina Lloyd Reynante, Joseph Millanes at Domingo.
"Sabi ni Lloyd (Reynante), mananalo daw kami at magkaka-medal kami," ani Domingo na sinamantala ang rest day kahapon para makaipon ng lakas dahil sa kanyang iniindang sugat sa tagiliran bunga ng kanyang pagkaka-semplang sa stage 10.
Nagkaroon din ng pagkakataon si Tanguilig na may hawak na 4:10 minutong distansiya sa dating overall leader na si Domingo at 3:28 minutong distansiya sa pumapangalawang si Primero sa kanyang total time na 50-hours at 36:41 minuto, na makaipon ng lakas.
Pagkatapos ng 12-stages ng Tour na sinuportahan ng Pharex, Lacto-vitale, Summit, Gatorade, Red Bull, Elixir Bikeshop at Isuzu, ang Patrol 117 assistant team captain na si Frederick Feliciano ang pinakamalaki nang naipong premyo na umabot na sa P35,000 na sinundan ni Domingo, P30,000, Reynante P28,000 at Primero P25,000.