Para makuha ang GM Norm: IM Mariano nasa kontensiyon pa rin

Nahatak ni Filipino International Master Nelson Mariano ang kanyang laban kontra kay GM Alexei Kuzmin ng Russia sa isang draw upang manatiling nasa kontensiyon para sa pagkuha ng Grandmaster norm sa nalalabing tatlong rounds ng Dubai Open Chess Championship sa Dubai, United Arab Emirates.

Ginamit ni Mariano ang kanyang paboritong Chameleon variation sa 6th round ng kanilang paglalaro kontra sa Sicilian defense ni Kuzmin upang mauwi sa draw ang kanilang laban sa 41 moves. Tanging si Mariano, mainstay ng Philippine Army team ang siyang may pinakamataas na puwesto sa dalawang iba pang Pinoy chessers na sumali rito bunga ng naiposteng 4 na puntos matapos ang anim na round.

Nauwi rin sa draw ang laban nina GM Bong Villamayor kontra FIDE Master Vlad Barnaure ng Romania sa 50 sulungan ng Reti Opening ng Pinoy upang makadikit sa 3.5 puntos.

Nalasap naman ni IM Barlo Nadera ang kanyang ikalawang sunod na talo kontra kay GM Viorel Lordachescu ng Moldova.

Gumamit si Nadera ng kanyang paboritong French defense at isinulong ang kanyang kingside pawn, ngunit nagawang tapatan ito ni Lordachescu nang basagin niya ito at nagbanta ng mate o panalo ng Rook nang si Nadera ay napilitang magresign sa 39 moves.

Ang pagkatalo ni Nadera ang naglagay sa kanya sa ilalim ng standing at ang tanging pag-asa ng Pinoy na makaahon ay ang maipanalo ang kanyang nalalabing mga laban at kanyang makakaharap si R.B. Ramesh ng India na rated 2493 sa round 7.

Sasabak naman si Mariano kontra sa GM na si Mikheil Mchedlishvili ng Georgia, rated 2543 kontra sa Filipino IM’s 2416 rating. Sasagupain na-man ni Villamayor na hawak ang puting piyesa ang 12th seed GM na si Evgeny Gleizerov ng Russia, rated 2592 kontra sa 2469 ng Pinoy.

Show comments