PBL Unity Cup: Montana muling maninilat

Sisikapin ng Montana Pawnshop na dugtungan ang itinala nilang malaking pagsilat sa huli nilang pagpalaot sa pagharap nila ngayon sa bumubulusok na Sunkist-UST sa pagpapatuloy ng aksyon sa Philippine Basketball League 2004 Unity Cup sa Pasig Sports Center.

Ang laban ay itinakda sa ika-4 ng hapon.

Samantala, tatangkain ng defending champion Hapee Toothpaste na makabawi sa tinamong pagdapa sa nakalipas nilang pagsalang sa pakikipagtipan nito sa naghahanap pa rin ng panalong Lee Pipes-Ateneo sa unang laro sa alas-dos ng hapon.

Ang Jewels ay di gaanong napapansin sa unang bahagi ng torneo dahil sa kabit-kabit na pagkatalo nila, kabilang na sa ibang mahihinang koponan. Subalit noong Sabado ay ginulat nila ang lahat -- at marahil ay pati na rin ang kanilang sarili -- nang bahiran nila ang dating imakuladang rekord ng Welcoat Paints sa pamamagitan ng 93-68 pagdemolisa dito.

Ang naturang panalo ay ang tanging ikalawa ng Jewels sa 6 na laro at naging unang kabiguan ng Paint Masters matapos ang 5 sunod na tagumpay.

Matapos walisin ang unang tatlong asignatura, ang Tigers ay nakatamo ng ganoon ding dami ng talo, pinakahuli ay ang 81-88 pagbagsak sa kamay ng Water Force noong Huwebes.

Kasalukuyang may 3-2 karta naman ang Teeth Sparklers, na naglagay sa kanila sa ikatlong pwesto katabla ang Toyota Otis-Letran, at ito ang nais nilang palawigin sa labang ito kasabay ng hangarin nilang makabangon mula sa nalasap na 73-78 over-time loss kontra Welcoat noong Huwebes. (Ulat ni IB)

Show comments