Tangan ang imakuladang 5-0 rekord, haharapin ng Paint Masters ang Montana Pawnshop sa ika-4 ng hapong sultada habang tatangkain naman ng Knights na mai-poste ang ikatlong kabit na tagumpay sa pagsagupa nito sa lumulubog na Lee Pipes-Ateneo sa unang laban sa alas-dos.
Para kay Welcoat rookie coach Caloy Garcia, batid niyang habang sumusulong ang torneo ay pabigat nang pabigat ang kanilang mga laban at hindi siya magtataka kung sa isa sa mga susunod nilang asignatura ay makatamo na sila ng kabiguan.
Laban sa Jewels, ang Paint Masters ay makikipagtagisan sa koponang may iisang panalo pa lamang na naitatala at inabandona ng head coach.
Ang Paint Masters ay manggagaling sa 78-73 over-time win kontra sa defending champion Hapee Toothpaste kamakalawa.
Dahil umano sa estado ng kanyang kalusugan, si Bong Go ay nagbitiw bilang punong taga-gabay ng Jewels matapos ang 72-69 pagyuko ng kanyang tropa sa Blu Star noong Martes. Siya ay pinalitan ni Toto Dojillo sa kapasidad bilang interim coach.
Samantala, matapos mabigo sa unang dalawang asignatura sa komperensyang ito, ang Knights ay nagposte ng magkatalikod na tagumpay, pinakahuli ay ang 70-64 pag-silat sa Sunkist-UST noong Abril 15, na siya nilang nais sundan sa pakikipagtagpong ito sa Blue Eagles, na hindi pa nakakatikim ng panalo mata-pos ang 4 nitong pagsalang. (Ulat ni IAN BRION)