Hindi lamang niya naigiya ang Postmen team sa katatagan para sa karera sa P1-milyong team prize, pinangunahan din nito ang 156.8-kilometrong karera para makalapit sa nananatiling overall leader na si Frederick Feliciano ng Patrol 117 at lumaki ang kanyang bentahe sa Sprint King competition para sa P50,000 na premyo.
"Para kay Boss Miguel ito at para sa lahat ng kasama natin sa STAR," sambit ng 35-gulang na si Domingo na ang tinutukoy ay ang STAR Group of Companies president Miguel Belmonte.
Kinapos lamang ang defending Spint King champion na si Domingo ng pitong segundo para maagaw ang yellow jersey kay Feliciano na may kabuuang oras na 24:08.42 ngunit katabla na nito sa ikalawang puwesto si Eusebio Quinones ng Purefoods na kasabay ng overall leader sa ikalimang grupong tumawid ng finish line.
Nagtala ang national team member na si Domingo ng tatlong oras, 55-minuto at 35-segundo sa pagtahak ng 156.8-kilometrong distansiya at kasunod niyang tumawid ng finish line ang kanyang assistant team captain na si Lloyd Reynante at tumersera naman si rookie Orly Villanueva ng Dole na isang grupong dumating kasama ang kanilang kakamping si Joseph Millanes, Baler Ravina ng VAT Rider at Joel Calderon ng Beer Na Beer.
Pinalawig ng Postmen ang kanilang oras sa Team classification ng mahigit 20-minuto laban sa Dole at Beer Na Beer na nasa ikalawa at ikatlong puwesto ayon sa pagkakasunod matapos magsumite ng pinagsama-samang oras nina Domingo, Reynante at Millanes na 11:46:21.71 para sa kanilang total aggregate time na 72:23:29.84.
"Nagtutulungan talaga kami sa team dahil yun talaga ang target namin kasi mas malaki ang premyo saka hinahabol ko din yung Sprint kasi gusto kong maka-apat na sunod," ani Domingo, ang Sprint King noong 1997, 1998 at 2003 na umani ng anim na puntos sa dalawang sprint kahapon para sa kabuuang 18-puntos habang si hindi naman nakakalayo si Villamor Baluyot ng Samsung na may 14 puntos sa karera para sa P50,000 na premyo.
Halos di natinag ang top-10 overall all maliban sa paglapit ni Domingo sa yellow jersey kaya bumaba ng puwesto sina Albert Primero ng Dole (fourth), Merculio Ramos ng Samsung (fifth) at Rhyan Tanguilig ng PLDT (6th) na nanatili naman sa puwesto sina Tomas Martinez ng Beer Na Beer (7th), Ronald Gorrantes ng Metro Drug (8th), Arnold Marcelo ng Mail & More (9th) at Renato Metro Drug (10th). (Ulat ni Carmela V. Ochoa)