Simula ngayong umaga, aalis ang 600-vehicle na kinabibilangan ng mga siklista, officials, media, support vehicles para makapaghanda sa karerang magsisimula sa Huwebes.
Ang unang stage ay ang Sorsogon to Naga City stage na may kabuuang 141-kilometro.
Inaasahang handa na ang Dole Pineapple at Mail and More, dalawang bagong team sponsors para sa ikalawang edisyon ng bagong chapter ng Tour na itinaguyod ni Air21 chairman at PhilCycling president Bert Lina.
Pangungunahan ng beteranong siklistang si Albert Primero ang Dole Pineapple kung saan makakasama nito Fernando Alagano, ang kanyang assistant at sina Michael Primero, Jay Tolentino, Orly Villanueva, Michael Ramos at Dante Cagas.
Ang Mail & More ay pangungunahan naman ng beterano ding si Santi Barnachea at ang kanyang magiging assistant ay ang kanyang kapwa beteranong si Lito Atilano. Ang iba pang miyembro ng team ay sina Arnold Marcelo, Elmer Atilano, Rayson Galdonez, Oscar Fronda at Jason Garillo.
Ang iba pang team sponsors sa taong ito ay ang Tanduay, Samsung, Purefoods, PLDT, Marsman- Drysdale, Metro Drug, Beer na Beer, Vat Riders, Postmen at Patrol 117.
Tatagal ang 17-stage race na ito ng 21-araw kung saan magtatapos sa 16 lungsod at dadaan sa 24 probinsiya ng Luzon para sa kabu-uang distansiyang 2,758.69 kilometro.
Mayroong apat na siklista na hahabol bukas na sina Arnel Quirimit, ang defending champion ng karera, Enrique Domingo, Dante Cagas at Warren Davadilla dahil manggagaling ang mga ito sa Japan kung saan sila ay nakibahagi sa Asian qualifying ng Athens Olympics sa Greece sa Agosto.
Bukas pa lamang darating ang apat na siklista at diretso agad ang mga ito sa biyahe patungong Sorsogon (Carmela V. Ochoa)