Pinangunahan ni Elisma ang TJ Hotdogs sa pagkamada ng 36-puntos, 22 nito ay sa first half lamang bukod pa sa 14-rebounds para sa ikatlong panalo ng TJ Hotdogs matapos ang anim na pakikipaglaban.
Mula sa 24-30 pagkakahuli sa pagtatapos ng unang quarter, humataw ang Purefoods ng 27-puntos na pinangunahan ni Elisma sa kanyang 10 markers matapos kumubra ng 12 sa unang canto, kontra sa 14-puntos lamang ng Express para sa 51-44 kalamangan sa halftime.
Ipinagpatuloy ni Elisma ang kanyang pananalasa sa ikatlong quarter para tuluyan nang umabante ang TJ Hot-dogs sa 67-53, 4:09 minuto ang nalalabi sa naturang yugto.
Pinakamalaking bentahe ng Purefoods ay sa 98-80 mula sa fastbreak lay-up ni Paul Artadi na tumapos ng 15-puntos, 10 nito ay sa ikaapat na canto.
Lalo namang nabaon ang Express sa 1-5 win-loss slate na katabla na ngayon ang Sta. Lucia sa pangungulelat.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Coca-Cola at Talk N Text.
Magpapatuloy ang aksiyon sa Araneta Coliseum kung saan magsa-sagupa ang Realtors at San Miguel sa alas-4:10 ng hapon habang muling maghaharap ang Shell at Ginebra sa ikalawang laro, alas-6:30 ng gabi.
Ipaparada ng Gin Kings ang kanilang bagong import na si Torraye Braggs na papalit kay George Reese habang magde-debut naman si Leo Austria bilang coach ng Turbo Chargers. (Ulat ni Carmela V.Ochoa)