Sa pagpapakita ng kanyang katatagan sa pagharap ng kanyang karamdaman, inimbitahan ang 21-gulang na si Jon-jon Tabique bilang pana-uhing pandangal sa opening ceremonies ng 2nd Unity Cup sa Makati Coliseum na ipapalabas ng live sa Studio 23.
Magbibigay din si Tabique, naglaro sa junior tournament ng liga, ng inspirational talk sa opening ceremonies bago sumambulat ang pakikipagla-ban ng Letran sa Viva Mineral Water-FEU.
"Its a great honor on my part to be the guest of honor in the opening of the PBL. Im so happy about it because I did not expect that I will be invited," ani Tabique.
Kumpiyansa si Commissioner Chino Trinidad na mabibigyan ni Tabique ng inspirasyon ang iba pang cancer patients na maging malakas at matatag sa kanilang pakikibaka.
Ang isa pang bagitong team sa eight-team field na Lee Pipes-Ateneo ay mapapasabak naman sa Sunkist-UST sa isa pang laro.
Sina Larry Fonacier at guard L.A. Tenorio ang mangunguna sa Lee Pipes-Ateneo kasama ang nag-improve namang sina JC Intal, Paolo Bugia at Magnum Membrere. Palalakasin naman nina Niño Gelig at dating pro na si Marlon Basco ang team.
Para magkaroon ng excitement sa opening rites, magbibigay ang ASAP Mania ng ABS-CBN ng mini concert na katatampukan ng mga sikat na artistang sina Rica Peralejo sa alas-12:00 ng tanghali.
Inimbitahan din ang Showgirls na pangungunahan nina Michelle Bayle, Cherry Lou at Michelle Esteves at ang sikat na bandang River Maya.
Libre ang admission.