Dumating sa Amerika si Pacquiao noong nakaraang linggo at agad-agad na sumabak sa ensayo sa Wild Card Boxing Club ni Freddie Roach sa Hollywood, California. Kasama ni Pacquiao sa kanyang kuwarto sa Vagabond Inn sa Vine St. sina Lito Mondejar at Buboy Fernandez.
Ang Vagabond Inn ang laging tinutuluyan ni Pacquiao habang siya ay nag-eensayo sa Amerika.
Inaasahan na isasabak si Pacquiao kay Erik Morales ng Mexico kung sakaling malusutan ng Pilipino si Marquez sa harap ng libo-libong Mexicano na manonood ng laban sa Las Vegas.
Tinatayang magliliparan din patungong Las Vegas ang mga Pilipinong sumusuporta kay Pacquiao mula sa San Francisco, Los Angeles, Texas at iba pang parte ng Amerika. Mangilanngilan din ang lilipad mula sa Pilipinas patungong Sin City.
Darating sa Los Angeles si Rod Nazario, ang business manager ni Pacquiao. Susunod naman sina Ramon Lainez at Gerry Garcia. Maging ang maybahay ni Pacquiao na si Jinkee ay susunod din kasama ang isa sa kanilang dalawang anak.Walang iba kundi si Manny Pacquiao ang nag-award ng International Boxing Federation (IBF) superbantamweight titlebelt sa kanyang sparring partner na si Israel "Magnifico" Vasquez ng Mexico matapos nitong talunin si Jose Luis Valbuena ng Venezuela kahapon sa Grand Olympic Auditorium sa Los Angeles, California.
Si Pacquiao ang napiling mag-award dahil ang koronang iyon mismo ang kanyang hawak bago niya ito isinurender noong Enero matapos mag-desisyon na mag-concentrate na sa featherweight division.
Tinalo ni Vasquez, sparring partner ni Pacquiao si Valbuena sa pamamagitan ng 12th-round TKO matapos tumama ang kanyang left-right combination. Napabagsak na rin ni Vasquez si Valbuena noong ika-apat na round.
Nagtangkang manlaban ni Valbuena, ngunit sadyang napakabigat ng mga kamao ni Vasquez kung kayat kahit ang kanyang mga foul tactics noong ikasiyam ay hindi nagpatigil sa agresyon ni Vasquez.
Nakasuot ng light-blue na long-sleeve shirt si Pacquiao nang umakyat sa ring upang i-award ang IBF 122-lb belt. Naroon din si Daryl Peoples, isang high-ranking official ng IBF na minsan ay dumating sa Pilipinas upang i-supervise ang laban ni Pacquiao kontra kay Fabbrakob Rakkiatgym ng Thailand sa Davao.