Ayon sa mga eksperto, ang nagiging matagumpay na ehemplo ay ang Amerika. Matapos ang kahihiyang sinapit ng mga mag-aaral na pinadala nila sa 1988 Seoul Olympics, pinagpasyahan ng USA Basketball na kunin ang mga manlalaro ng NBA.
Kung pagmamasdan natin ang bumubuo sa USA Basketball, lahat ay may kinatawan: ang NBA, NCAA at pati ang kalipunan ng mga maliliit na kolehiyo.
Pero karamihan sa kanila ay mula sa NBA, na siyang may poder. At pinaghahatian nila ang lahat ng mga iba-ibang torneo na sasalihan ng Amerika.
Kung dito gagawin sa Pilipinas, mangunguna ang PBA sa dami ng miyembro ng tinaguriang superbody. Sila ang magpapadala ng koponan sa matataas na labanan, tulad ng Olympics at Asian Games.
Papangalawa ang PBL, kasunod ang UAAP at NCAA, maaari rin maisama ang CESAFI bilang kinatawan ng Visayas at Mindanao. Kung sabagay, sila-sila naman ang gumagastos, hindi ba? Bihasa naman maglabas ng pera ang BAP, di ba?
Kung mangyayari ito, aanhin pa ang Basketball Association of the Philippines?
Para kang naging LTO ang BAP. Sila ang nagbibigay ng lisensya, pero iba ang nagpapatakbo ng mga sasakyan. Kung tutuusin, nagiging hadlang pa ang BAP tuwing mamumulitika ito, at di rin kailanman pinaliwanag ang mga magawa na nito para sa bansa.
Ano nga ba?
Hindi rin naman maipagmamalaki ng BAP ang mga nakamit ng PBA, MBA at PBL sa mga pagkakataong sila ang kumatawan sa ating bansa. Para mo nang sinabi na ang nagbigay lamang ng birth certificate mo ang gustong tumayo bilang magulang mo.
Tama ba iyon?
Payo ko sa BAP, naghahari kayo sa lumiliit na kaharian. Makisama na kayo habang kinakausap pa kayo, bago pa mahuli ang lahat.