Nauna ng itinakda ang pagbubukas ng nasabing liga sa Marso 27, ngunit nagdesisyon ang mga league officials na iurong ito kaysa sa naunang petsa na itinakda upang makaabot sa tradisyunal na opening tuwing araw ng Sabado.
Walong koponan ang magpapakita ng aksiyon sa season opening tour-nament kung saan idedepensa ng Hapee Toothpaste ang kanilang korona na napagwagian kontra sa Viva Mineral Water-Far Eastern University sa makapigil hiningang title series.
Sa katunayan, tangka ng Hapee (dating Fash Liquid Laundry Detergent) na makopo ang kanilang ikatlong sunod na korona at grand slam matapos na dominahin ang Platinum Cup nang kanilang igupo naman ang powerhouse Welcoat Paints.
Magsisimula ang opening ceremonies sa ala-1 ng hapon.
Bagamat lumiban ang ICTSI-La Salle ng isang kumperensiya at ang ilang mga naimoldeng stars ay nagsipag-akyatan na sa pro league, nananatili pa rin si Trinidad na kumpiyansa sa nalalapit na conference dahil sa pag-entra ng Lee Pipes-Ateneo at Toyota Otis-Letran.
"Just like last year, I expect a tough and exciting battle this conference. halos balanse naman ang mga teams ngayon," ani Trinidad.
Samantala, ipapalabas ng Solar Sports ang isang oras na PBL special na tinaguriang Heart Of A Champion sa Channel 29.
Ang nasabing special show ay mapapanood simula sa alas-6:30pm hanggang alas-7:30pm at tampok dito ang maningning na kampanya ng Hapee sa 2003 season.
Tampok rin sa nasabing palabas ang mahusay na galaw ni Peter June Simon na nagbigay sa kanya ng MVP sa Platinum Cup. Naungusan ni Simon sina Jojo Tangkay at James Yap ng Welcoat para sa nasabing award.