SEABA ilalarga sa Lucena City

Isa pang malaking basketball event ang nakatakdang i-host ng lalawigan ng Quezon, ang Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Youth Championships, na lalarga sa Abril 19-24, sa Quezon Convention Center sa Lucena City.

Ito ang magiging kauna-unahang pagkakataon na pagdarausan ng isang international tournament ng anumang isport ang probinsya, na sariwa pa sa matagumpay na hosting ng 58th National Students Basketball Championships.

Ayon kay Basketball Association of the Philippines (BAP) secretary general Graham Lim, ang pagkapili sa Quezon, partikular sa lungsod ng Lucena, bilang lugar na paggaganapan ng torneong lalahukan ng mga 18-under teams mula sa anim na bansa sa rehiyon, ay bilang pagkilala at pasasalamat sa mga mamamayan nito sa ginawa nilang pagtangkilik sa katatapos na NSBC.

"This is our way of expressing our gratitude to the people of Quezon, especially to Governor Willie Enverga and (Lucena City) Mayor Ramon Talaga, for the support they’ve given us," wika ni Lim.

Bukod sa Pilipinas, na siyang defending champion, ang iba pang kasali sa torneong ito, na magsisilbing qualifying para sa World Youth Basketball Championships, ay ang Thailand, Malaysia, Indonesia, Singapore, at Vietnam. (Ulat Ni Ian Brion)

Show comments