Ayon sa nararamdamang kaba ng siyudad ng Maynila, wala pa halos nagagawang hakbang para maayos na isagawa dito ang patimpalak na ito. Saan-saan nga ba gagawin ang mga laro? Saan titira ang mga atleta?
Sino ang magpapakain sa kanila? Paano ang mga atletang Muslim o kayay kakaiba ang diet? Kung ang Sydney Olympics ay muntik nang mabitin dahil inabot halos ng apat na taon ang paghahanda, paano pa kaya tayo?
Sa mga nakaraang Southeast Asian Games, karaniwang isilong sa iisang Athletes Village ang mga lahok. Sa nakaraang SEA Games sa Vietnam, hindi ganito ang nangyari, dahil pinaghiwalay ang mga atleta sa tatlong lugar kung saan ginawa ang mga labanan, at dahil isinaayos sila ayon sa kanilang sport.
Paano ang magiging daloy ng trapiko sa mga bayan kung saan gagawin ang mga laro?
Noong Atlanta Olympics, umayaw ang ilang drayber dahil sa tindi ng trabaho, at init ng ulo ng ilang mga media na nahirapang mag-ikot.
Saan ilalagay ang International Press Center at International Broadcast Center? Saan din maninirahan ang libu-libong peryodista at brodkaster na dadagsa sa Maynila?
Paano naman ang mga isponsor?
Sino ang maglalatag ng mga kable ng libong computer na gagamitin upang ihatid ang mga resulta, impormasyon, press release at lahat ng kaalaman habang umaandar na ang SEAG? Sino ang mamamahala sa segu-ridad? Paano ibibigay ang napakaraming ID at accreditation at press passes na kakailanganin?
Higit sa lahat sino ang mananagot sa kahihiyang halos sigurado nang mangyayari dahil hindi tayo handa? Sino ang mga maghuhugas-kamay dahil hindi pala nila kayang gawin ang trabaho nila?
Napakaraming katanungan. Kakaunting panahon.
Di pa ba kayo kinakabahan?