Ito ang kinasapitan ng kampanya para sa titulo ng three-time champion at paboritong University of Manila sa 58th National Students Basketball Championships matapos na maideklarang forfeited ang kanilang quarterfinals match ng Angeles University Foundations dahil sa paggamit nila ng manlalarong wala sa opisyal na line-up at iba pang teknikalidad na labag sa patakaran ng torneong ito na ginaganap sa Quezon Convention Center dito.
Samantala, bumangon ang Philippine Maritime Institute mula sa masamang pasimula at isang malaking pagratsada ang kinana nito sa huling yugto upang maiposte ang 68-60 tagumpay laban sa Southern City College.
Ang panalo ay naggawad sa NCR elimination topnotcher Admirals ng unang finals slot sa seniors division ng torneong ito na inorganisa ng Basketball Association of the Philippines sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamumuno nina Governor Willie Enverga at Lucena City Mayor Ramon Talaga Jr.
Sa desisyong inilabas ng technical committee sa pamumuno ni tournament commissioner Romeo Cardenas, kinatigan nito ang inihaing protesta ng AUF, matapos ang 97-79 panalo ng UM kamakalawa, na humihinging idiskwalipika ang Hawks sa pagpasok nito kay Ace Margallo sa natu-rang laro bagamat wala ito sa listahan ng mga manlalarong kanilang isinumite para sa kompe-tisyon.
Isa pang teknikalidad ay ang paggamit ni coach Loreto Tolentino ng 13 manlalaro sa nasabing laban, higit sa pinapayagang 12 ng FIBA rules.
Dahil dito, ang AUF Great Danes ang nakaha-rap ng University of Per-petual Help-Rizal sa isa pang pares ng Final Four na habang sinusulat ang balitang ito ay kasalukuyan pang naglalaban.