Unang pumasok sa quarterfinals ang College of St. Benilde na binubuo nina Raquel Ordonez at Ivy Mores matapos mamayani laban sa St. Louis University, 21-8.
Sinundan ito ng Letran duo nina Cathlea Villaluz at Gene-lyn Alemanya nang kanilang pasadsarin ang Adamson University, 21-16.
Pinarisan naman ito ng UB tandem nina Ma. Kristina Enola at Madonna Rimando nang kanilang pasadsarin ang San Sebastian College-Cavite, 21-15.
Bunga ng pare-parehong 3-0 win-loss slate at 6-0 sand points ng St. Benilde, Letran at UB, nakakasiguro na ang mga ito sa Boracay finals sa Abril 14-16 kasama ang mga top-four qualifiers ng mens at womens division mula sa Visayas at Mindanao eliminations na gaganapin sa Cebu sa March 12-14.
Sa mens division, kinulekta naman ng defending champion San Sebastian Manila ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos igupo ang UB, 21-15 para sa perfect na 4-sand points.
Ang iba pang nakadalawang sunod na panalo ay ang Far Eastern University na nanalo sa Bulacan State University, 21-6, University of the Philippines na nanaig kontra sa Ateneo de Naga at St. Benilde na nanalo sa San Beda College, 21-12.
Isang slot na lamang ang natitira sa womens division para sa Boracay trip habang ngayon mababatid ang apat na finalist sa mens category.