Dito sa atin, isang taon lang maglalaro sa national team, kinabu-kasan, nasa PBA na at isa nang professional.
Ang problema sa mga amateur national players natin, makatikim lang ng kaunting kasikatan, nasisilaw agad sa kinang ng pera at hayun, aakyat na rin agad sa PBA.
Eh kailan ka pa nga naman makakabuo ng isang solid na national team kung patuloy din lang na taon-taon eh magsisiakyat sa PBA ang magagaling nating amateur players.
Sa dami ng mayayaman na sports patron dito sa atin, gumawa na tayo ng isang malakas na national team na pasusuwelduhin na rin tulad ng isang PBA team.
Kapag ganyang may isa kang national team na suportado ng mga mayayamang mahilig sa basketball, tingnan ko lang kung mabuwag pa yan kahit sa loob ng limang taon.
Tapusin na natin ang paniniwalang kapag naglaro ka sa national team eh huwag nang isipin ang pera at puro pagsisilbi na lang sa bayan ang isipin.
Hindi na puwede yan sa hirap ng buhay ngayon.
Hindi na puwede yan sa panahon ngayon.
Wala ng bayani na tatagal sa ganyang sitwasyon.
Sikat ka ngang national player, magaling ka nga, pero saan ka nakatira? Magkano ang suweldo mo? Nagdyi-dyip ka lang papunta sa practice kasi maliit lang naman ang allowance mo?
Huwag na tayong magpaka-plastik sa ideya na yan, dahil sa ibang bansa, matagal nang ganyan ang ginagawa nila.