Bakit, Moran, Bakit

Grabe, as in grabe ang reaksiyon ng mga PBA fans sa hindi paggamit ni American Shell coach John Moran sa PBA No. 1 Draft pick na si Rich Alvarez.

Dismayado ang lahat ng mga PBA fans na nagpunta sa Araneta Coliseum at siyempre ang mga nanood sa kani-kanilang television set.

Sa loob ng 30 taon ng liga, ngayon lamang nangyari na ang isang top pick ay hindi man lang pinaglaro ng kahit isang minuto gayung handang-handa na ito at wala man lang injury o kung anupamang masamang nararamdaman.

Marami ang nalungkot at marami ang nainis sa pangyayaring ito.

Eh bakit ba naman hindi.

Lahat ng mata ay nakatuon siyempre sa mga rookies.

Lalung-lalo na ang mga first-round pick.

Siyempre lahat ng fans ay nais makita ang laro ni Alvarez at kung ano ang kanyang maipapakita sa pagiging Number 1 pick.

Kaso nga, mismong si Alvarez ang binigo ni Moran at higit sa lahat winasak ang puso ng mga tagasubaybay ng PBA.

"Hindi ba n’ya alam na bukod sa laro eh entertainment ang PBA. Siyempre kung naipakita ni Alvarez ang kanyang kakayahan na-entertain niya ang mga fans," paghihigmasik ng isang PBA fan.

"Palibhasa wala siyang alam sa Philippine basketball, buti nga natalo sila," galit na galit na wika ng naturang fan.

"Ang PBA ay para sa mga basketball-loving Pinoy kaya dapat hindi niya ipinagkait sa amin ang aming nais mapanood," turan pa ng isa.

Ito ang ilan sa mga komento pagkatapos ng laro ng Ginebra at Shell kung saan hindi man lang nasilayan si Alvarez.

Mismong sa loob ng Big Dome ay hindi maitago ng mga fans ang kanilang pagkadismaya.

May isang punto na baon ang Turbochargers sa 12 puntos at lahat ng mga tao sa loob ng Araneta ay isinisigaw ang pangalang " Alvarez! Alvarez! Alvarez!

Pero dinedma pa rin ng Amerikanong coach ang gusto ng mga Pinoy.

Walang injury, walang sakit na nararamdaman si Alvarez at sa katunayan ay gigil na ring maglaro ito dahil ika nga ang unang laro ay mahalaga para sa mga rookies.

Ano ba ang ibig patunayan ni Moran sa kanyang ginawa? Anong malaking dahilan ang maaari niyang ibigay sa mga Pinoy fans?

Kaya nang matapos ang laro, nakaka-awang pagmasdan si Alvarez. Lulugo-lugo ang bata.

Kinimkim na lang sa sarili ang pagkadismaya na bagamat hindi man niya sabihin ay naramdaman ng lahat ng manonood.

Isang Amerikano lang ba ang sisira sa nagsisimulang career ni Alvarez?

Huwag naman sana!

Show comments