Ayon kay PBA operations manager Ricky Santos, nagpadala na ng formal communication ang liga sa national basketball associations ng dalawang bansa para magpadala ng kanilang team na maglalaro dito sa quarterfinals ng transition tournament.
Wala nang magagawa ngayon ang PBA kundi hintayin ang kasagutan ng mga bansang pinadalhan nila ng imbitasyon.
"Well just wait for the reply of teams we have invited and decide which team that will be coming over for the Fiesta Cup," ani Reyes.
Ang iba pang bansang inaasahan ng PBA na pagbibigyan ang kanilang imbitasyon ay ang sikat na ball club ng Australia na Melbourne Tigers, ang isa pang professional team ng Argentina na Club Obras at ang G & H Mighty Hawks mula sa New Zealand.
Ang mapipiling team ng liga ay siyang makakasama ng national team ng Lebanon na papasok sa quarterfinals ng Fiesta Cup kung saan makakalaban nila ang top six teams pagkatapos ng eliminations.
Walang inilaang prize money para sa foreign teams ang PBA di tulad sa Invitational championships sa taong ito kung saan may $20,000 premyo ang mananalong foreign team.
Gayunpaman, sinabi ng PBA na sasagutin nilang lahat ang gastusin ng dalawang teams sa kanilang tinatayang tatlong linggong pamamalagi dito sa bansa. Kabilang dito ang airfare, food, transportation, practice venue at mineral water sa practice at game.
Samantala, nagkakagulo pa rin ang mga teams na nais kunin ang serbisyo nina Tony Lang at Ron Hale na kapwa naglalaro sa Japanese league at hindi available para sa PBA Fiesta Cup hanggang sa Marso.
Gayunpaman, pansamantalang kakalimutan muna ito nang makakuha na ang 10 koponan ng mga de-kalibreng imports na gagarantiya sa high-powered action sa transition tournament sa Linggo sa Araneta Coliseum.
Katunayan, nakapasa na ang mga imports sa sukatan na ginanap kamakailan. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)