Sa matagal na panahon ding pagiging miyembro ng Green Archers sa PBL na suportado ng ICTSI, lilisanin muna ang PBL upang ituon ang pansin sa kanilang paghahanda sa 2004 UAAP season kung saan bibiyahe sila sa China at Brazil para sa isang mahigpitang preparasyon.
Kayat ang inaasahang matinding pagtatagpo ng mahigpit na magkaribal ay tanging masasaksihan lamang sa UAAP.
At habang nasa China at Brazil, makikipaglaro ang Green Archers kontra sa ilang pangunahing collegiate team at commercial teams doon.
May tatlong players ang nag-pro na at suwerteng nakasama sa 2004 PBA Draft. Si Joaquim Thoss ay pumirma na sa Alaska Aces, si Carlo Sharma sa Shell Velocity at si Manny Ramos ay practice player ng Coca-Cola.
At bagamat simula nang sumali sa PBL ay may malakas na lineup na kinabilangan ng ngayon ay nasa PBA na sina Mike Cortez, Willie Wilson, Nelbert Omolon at Bernzon Franco hindi nakatikim ng kampeonato ang Green Archers.
Ang maiiwang apat na miyembro ng ICTSI--sina dating pro players Ramon Jose, Dino Aldeguer at Dominic Uy kasama si Raymond Magsumbol - ay ipamimigay o ililipat sa ibang PBL teams habang babalik sa DLSU at sasama sa kanilang biyahe sa China at Brazil sina Pocholo Villanueva, Joseph Yeo, Santiago Cabatu, Jr., Jose Redemptor Aquino, Tyrone Tang, Michael Gavino at superstar Mark Cardona.
Si Franz Pumaren pa rin ang hahawak sa Archers na nagbigay ng apat na kampeonato sa Green Archers sa nakalipas na anim na taon taliwas sa napabalitang papalitan ito ni dating Shell coach Perry Ronquillo.
Anumang oras mula ngayon, magsusumite na ng aplikasyon ang Ateneo sa PBL Commissioners Office. (Ulat ni ACZaldivar)