Walang ku-Fash

Sa likod ng kontrobersiya sa finals, matagumpay na nagtapos ang 2003-04 season ng PBL at nangningning ang Fash Liquid Power na nanguna sa dalawang kumperensiyang idinaos ng liga kabilang ang kakatapos lamang na PBL Platinum Cup.

Una nilang pinagharian ang Sunkist-Unity Cup nang kanilang gulantangin ang malakas na Viva Mineral Water-FEU squad, 3-2, at tinapos nila ang best-of-five championship series laban sa Welcoat, 3-2 para sa ikalawang titulo.

Naging masalimuot ang daan para sa Fash tungo sa kanilang tagumpay.

Ayon kay coach Junel Baculi, walang gaanong star players sa kanyang team di tulad ng Welcoat ngunit pinatunayan ng kanyang mga bata na ang karanasan ay ang mabisang opensa para sa kanila.

"Our experience spelled the difference at saka ang mga bata ko talagang determinadong manalo kaya kahit sa depensa grabe sila," sabi ni Baculi na kahelera na ngayon ang kasalukuyang Sta. Lucia coach sa PBA na si Alfrancis Chua sa winningest coach sa league sa kanilang seven titles bawat isa.

Sa di inaasahang pagkakataon, ang kanyang unang apat na titulo ay nang siya ay Welcoat coach pa. Ito ang kanyang ikalawang back-to-back title mula noong 1999.

Naging produktibo din ang season na ito para sa Purefoods-bound na si Peter June Simon na nanalo ng Most Valuable Player bagamat nabahiran ito ng kontrobersiya at napili rin itong Finals MVP.

Kahit di pa rin binabawi ni Chino Trinidad ang kanyang pagbibitiw bilang Commissioner ng liga, ay sumipot pa rin ito sa Game-Five dahil na rin sa paanyaya ng Fash Team at Welcoat na humingi na sa kanya ng paumanhin gayundin ang mga players matapos ang kanilang inasal sa Game-Three kung saan naglagay sila ng ‘Tangkay MVP’ sa kanilang mga uniporme bilang pagpapakita ng kanilang protesta sa pagkakapanalo ni Simon na ikinagalit ni Trinidad kaya ito nag-resign.

"Yes, I resigned but I did not leave the league hanging that’s why this series will go down as one of the most memorable championships in the league," aniya.

Show comments