Iyan ang tinuran ni Welcoat House Paints team owner Raymond Yu ilang minuto bago ang sagupaan nila ng Fash Liquid sa Game One ng Philip-pine Basketball League (PBL) Platinum Cup noong Martes sa Makati Coliseum.
"Pero kung puwedeng ma-sweep, bakit ba ang hindi?" dagdag niya.
Ani Raymond, parehas na parehas ang talent level ng Welcoat at Fash. Apat na beses silang nagharap sa elimination round at sa semis at 2-all ang kanilang head-to-head match-up. So, papasok sa Finals ay walang itulak kabigin sa kanilang dalawa. Walang may advantage.
Sinabi rin ni Yu na ang isang sweep, bagamat magiging maganda para sa Welcoat o sa Fash, ay hindi magiging maganda para sa PBL mismo. Kasi nga, dapat ay maging exciting ang Finals. Kung puwede nga lang ay umabot ng Game Five ang serye para lalong dumugin ito ng mga fans.
Pero siguro, sabi lang ni Raymond iyon. Sa kanyang puso ay nais niyang maka-sweep dahil mahirap na nga naman yung aabot pa sa Game Five. Anything goes na kapag ganoon ang nangyari at baka masilat pa sila.
Hayun, at sa Game One ay inilampaso ng Welcoat ang Fash, 78-60. Gigil na gigil talaga ang mga Paint Masters at balanseng-balanse ang kanilang opensiba.
Biruin mong apat na Paint Masters ang umiskor ng double figures sa larong iyon. Si Ervin Sotto ay nagtala ng 18 puntos, si James Yap ay may 14, si Jercules Tangkay ay may 11 samantalang si Willie Wilson ay may 10.
Sa apat na ito, tanging si Tangkay ang hindi pro bound. Pero dati naman siyang naglaro sa Sta. Lucia Realty sa PBA. Bukod kina Sotto, Yap at Wilson, at iba pang manlalaro ng Welcoat Paints ang aakyat na rin sa PBA at ito ay sina Paul Artadi, Nelbert Omolon, Mac Cuan at Marc Pingris.
Ani Raymond ay gusto sana nila na pati si Tangkay ay umakyat sa PBA sa taong ito dahil maganda naman ang showing niya sa kasalukuyang torneo. Katunayan, noong Disyembre ay nagpasabi diumano ang pamunuan ng Purefoods Tender Juicy Hotdogs na interesado sila kay Tangkay subalit sa dakong huli ay si Peter June Simon ang kinuha ng Hotdogs.
Sa ngayon, si Tangkay ang siyang leading contender para sa Most Valuable Player award ng Platinum Cup at kung magwa-wagi siya, baka sakaling makahabol siya sa PBA.
"Okay lang sa amin kung walong players ang mawala sa team. Gusto naman talaga naming makatulong sa kanila at handa naman kaming magsimula sa panibagong build-up," ani Raymond.
Kaya nga bago maubusan ng manlalaro, talagang gusto ng Welcoat na magkampeon. At tila iyon din ang iniisip ng mga players nila. Bago umakyat sa PBA, nais nilang bigyan ng titulo ang Welcoat bilang pasasalamat sa pag-aaruga sa kanila.
Kaya nga kung ang mga players ang kakausapin, tiyak sasabihin nilang mamatamisin nila na ma-sweep ang Fash.
Pero kaya ba nila?