Sa kasalukuyan, may negosasyong nagaganap para sa posibleng paglipat ni Miguel Noble mula sa Alaska at walang masyadong sangkot sa deal.
Handa naman ang Alaska na makipaghiwalay kay Noble na ang kon-trata ay pumaso na noong Disyembre 31 noong nakaraang taon at halos hindi na kailangan ito nang kunin ng Aces si Joaquim Thoss bilang No. 5 sa Draft Pick noong nakaraang Biyernes sa Glorietta Activity Center sa Makati City.
Ang 65 na si Noble ang tanging rookie na kinuha ng Alaska sa Draft Pick noong 2002 ngunit halos hindi nagamit ng Aces.
Kung malilipat si Noble sa Barangay Ginebra, makakasama niya sina Eric Menk, Romel Adducul, Alex Crisano at ang bagong kuha na si Andy Seigle sa matatag na frontline ng Gin Kings na gagarantiya sa kanilang dominasyon sa shaded area.
Nauna rito, pumirma na ng isang taong kontrata si free agent Noy Falcasantos at aakuin niya ang posisyon ni Chester Tolomia na tinanggal na sa roster.
Kinuha na rin uli ng Gin Kings si Jayjay Helterbrand para muling maka-partner ni Mark Caguioa.
Kasalukuyang nagta-tryout sa Gin Kings si Theodore Hawkins Jr., ang natatanging player na pinili ng Ginebra sa 2004 Draft. Ang 210 lbs. na si Hawkins ay napili sa ikatlong round.
Kinuha na rin ng Gin Kings ang serbisyo ni Kirk Collier bilang physical conditioning coach ng Gin Kings. Si Collier ay dating nagtrabaho sa Red Bull Barakos sa loob ng tatlong taon. (Ulat ni AC Zaldivar)