Payla,Brin naka-gold

PUERTO PRINCESA--Nilagyan ng dekorasyon ni Violito Payla ang kanyang kauna-unahang pagsali sa Olympics nang mapagwagian nito ang gintong medalya makaraang gapiin si Asian champion Kim Ki Suk ng South Korea sa pagtatapos ng 22nd Asian Olympic Qualifying Boxing tournament sa harap ng naghihiyawang manonood sa Puerto Princesa Coliseum dito.

Agad din itong sinundan ng malaking panalo ni Olympic veteran Romeo Brin na nagwagi naman sa iskor na 32-28 kontra kay Mahmoud Dilshoud ng Uzbekistan.

Sariwa pa sa kanyang madamdaming panalo kontra kay Tulashboy Doniyorov ng Uzbekistan, sinugod ng 25 anyos na si Payla ang kumpiyansang si Kim at itala ang 25-18 panalo at kumikinang na gintong medalya na pormal na nagbigay sa kanya ng slot sa Athens para sa Olympic Games ngayong taon.

"Medyo masaya dahil napasaya ko ang mga kababayan ko bukod pa sa makakapunta na ako sa Olympics," ani Payla na isang private first class Armyman mula sa Cagayan de Oro.

Sa una, may kayabangang umakyat sa flyweight class si Kim na dumaig kay RP bet Harry Tanamor para sa 2002 Busan Asian Games gold, na nagbigay daan upang maagang makakunekta si Payla ng isang one-two straights na bumura sa yabang ng Koreano.

Dito sineryoso ni Kim ang mas maliit na Pinoy nang gamitin nito ang kanyang taas at haba ng biyas upang matamaan si Payla ngunit nakipagpalitan din ng suntok ang Pinoy na yumanig sa Koreano at ilatag ang 11 points na bentahe ni Payla.

Muling gumanti si Kim sa pamamagitan ng solidong hooks upang mabawasan ang kalamangan sa 7 matapos ang third round at naglunsad pa ng desperadong pagtatangkang maagaw ang panalo ng bumaba ito ng hanggang 3 puntos.

Hindi pansin ang iskor, nakakita ng opening si Payla at nagpakawala ng sunod-sunod na suntok na tinampukan ng mala-kulog na left hook na yumanig sa Korean para sa mandatory eight-count na humatak ng palakpak mula sa manonood na kinabibilangan nina Palawan Gov. Joel Reyes at Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn.

"Hindi ko iniisip kung sino ang lamang, basta inatake ko lang ng ina-take," ani Payla na dinuplika ang kanyang quarterfinal na tagumpay kontra kay Kim sa Afro-Asian Games sa India noong nakaraang taon.

Sa iba pang laban, nanaig naman si Karim Nounian ng Pakistan kontra kay Zou Shimming ng China, 22-18 sa lightflyweight division sa naturang pa-boksing na may nakalaang 24 slots -para sa quadrennial meet na inorganisa ni Reyes, Hagedorn at ABAP president Manny Lopez at suportado ng Philippine Sports Commission, San Miguel Corp., Accel at Pacific Heights. (Ulat ni Joey Villar)

Show comments