Binigyan na diumano ng pahintulot si Dynamite na magsimula ng seryosong pagsasanay, bagamat medyo ilang pa siya sa mga scrimmage.
Dinagdag pa ni Danny I. na wala siyang nababalitaang trade na kinasasangkutan ng sinuman sa kanyang mga kakampi.
Dagdag na magandang balita sa mga fans ng SMB.
Mukhang maganda ang simula ng taon para sa Beermen. Nakuha nila ang mahusay na skills coach na si Kirk Collier, dati sa Red Bull Barako.
Matindi ang pagsasanay na pinagdaanan ng mga malalaki ng Beermen sa dating Phelps Dodge gym. Abot ang pagsubok nila sa plyometrics, weights, at aqua training, kasama ang mga post moves at shooting drills na inaabot ng maghapon.
Hindi rin kuntento si Collier sa kahusayan ng mga player na hawak niya.
Kung ano ang kayang gawin sa kanang kamay, dapat kaya rin ng kaliwa. Paulit-ulit hanggang pareho ng lakas.
Kasabay rin doon si BJ Manalo, na puspusang naghahanda para sa kanyang panunumbalik sa UAAP. (Hindi pa sigurado kung sa De La Salle pa rin siya o magbabalik sa Ateneo.)
Minsan pay inaawat ni Collier si Manalo sa workout sa sobrang pagkaganado nito. Kahanga-hanga rin ang pagbabago ng katawan ni BJ. Mamang-mama na, di na bata.
Ang karamihan sa mga PBA teams ay nagsimula nang magpraktis nitong linggong ito.
Nauna na ang Ginebra at FedEx noong nakaraang linggo. Inaabangan na lang ang kalalabasan ng PBA Draft kung sino ang mga baguhang mapapasabak agad.
Pero nakauna na rin ang San Miguel Beer, sa magandang balita.