Humatak ng inspirasyon mula sa mga panalo ng kababayang sina Harry Tanamor at Violito Payla sa naunang laban, binugbog ng 19 anyos na si Ferrer si Yoshia Pujiono ng Indonesia sa 33-11 decision habang ang Fil-Am na 24 anyos na si Camat ay nilampaso si Farminder ng India, 20-10.
Sa parte naman ni Joven, hindi naging madali ang panalo sa kanya nang pahirapan muna siya ni Zuhair Khudhair ng Iraq bago makasama sina Junard Ladon, Romeo Brin, Tanamor at Payla sa susunod na round ng isang linggong torneo na may 24 slots na nakalaan para sa Athens Olympics ngayong taon.
Ang 21 anyos na tubong-Sorsogon namang si Joven ay lumasap ng suntok mula sa hard-punching na si Khudair sa unang tatlong rounds ngunit hindi sumuko at sa ikaapat na round ay bumawi ito upang makuha ang panalo.
Susunod na makakalaban ni Ferrer ay ang Pakistani na si Ali Shah Asghar, na nagwagi kay Imad Saeed ng Iraq habang makakaharap naman ni Joven si Sultani Basharmal ng Afghanistan .
Sa kabilang dako naman, makikipagpalitan ng suntok si Camat sa Pakistani Ali Khan Ahmed, na sumorpresa sa 2003 Viet-nam SEA Games gold medalist na si Somchai Chimlum ng Thailand via 33-23 decision.
Bukod kina Ferrer, Joven at Camat sasabak din sa aksiyon sina Tanamor at Payla, na kapwa nanaig sa kanilang unang laban. Haharapin ni Tanamor ang Chinese na kanyang kalaban sa world Championships noong nakaraang taon sa Thailand na si Zou Shi-ming, habang si Payla naman ay makikipagtipan sa North Korean na si Ihyon Kim, na nakalusot sa Kazakhstan na si Kanat Abutalipov 25-22.
Balik aksiyon din sina Ladon, 21, at Romeo Brin, kontra kina Salom Kasanov ng Tajikistan at Nursa Kazymzhanov ng Kazakhstan, ayon sa pag-kakasunod, na naglalaban sa kasalukuyang habang sinusulat ang balitang ito.
Ang tatlong tagumpay ng mga boksingerong Pinoy ay bumura sa masamang kabiguang tinamo ni Sydney Olympics veteran Arlan Lerio kay Almuz Assanov ng Kazakhstan 19-20, sa event na inorganisa ni Palawan Gov. Joel Reyes at suportado nina Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn at ABAP president Manny Lopez. (Ulat ni Joey Villar)